ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 19, 2021
Bilang na ang araw ng mga manufacturer ng pekeng liquefied petroleum gas (LPG) cylinder matapos maresolba ng Bicameral Conference Committee ang mga hindi nagtutugmang probisyon sa Senate Bill No. 1955 at House Bill No. 9323.
Ang Senate Bill 1955 na tinaguriang LPG ACT o ang ‘An Act Providing for the National Energy Policy and Regulatory Framework for the Philippine Liquefied Petroleum Gas Industry' na isinumite noong Disyembre 15, 2020 ay isa ang inyong lingkod sa mga co-author.
Dahil dito ay humantong ang pagkakaresolbang ito sa panukalang-batas na aayos at mag-aatas ng tamang pamantayan sa industriya ng LPG na matagal nang problema ng marami nating kababayan na gumagamit nito.
Malaking tulong ito sa ginagawang pagbabantay ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil hanggang sa kasalukuyan ay talamak pa rin ang bentahan ng mga pekeng LPG na lubhang napakadelikado.
Parang hindi natatakot ang mga fly-by-night manufacturer ng mga pekeng LPG kahit may standards enforcement campaigning at market monitoring ang DTI sa buong Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ang pobre nating mga kababayan kasi ang biktima nito, partikular ‘yung mga kapos sa kaalaman at ang tanging pinagbabasehan lamang ay ang presyo na mas mura kumpara sa mga lehetimong LPG sa merkado.
May ilan namang pikit-matang binibili ang mga pekeng LPG kahit alam nilang delikado dahil sa maling pagtitipid at naniniwala silang depende naman ang aksidente kung paano nag-iingat ang gumagamit.
Ngunit taliwas ito sa kampanya ng DTI na maigting ang panawagang huwag bumili ng mga pekeng LPG at para makasigurong ligtas, dapat may tatak na ICC at PS ang LPG tank upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng bumili.
Sa kasalukuyan ay ang Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) ang siyang palatandaan na ligtas gamitin ang LPG tank na pasadong makapal ang bakal, walang butas o kalawang na taliwas sa mga pekeng naglipana sa pamilihan.
Noon pa man ay may mga lehitimong manufacturer ng LPG tank ang naghain na ng pormal na reklamo sa DTI dahil sa hindi nga makontrol ang pagkalat ng mga pekeng LPG tank na walang tatak ng PS at ICC.
Lumalabas sa datos na maraming sunog na ang naganap na ang tanging dahilan ay ang pagsabog ng pekeng LPG tank, ngunit tila hindi naman natututo ang mga mamimili dahil marami pa rin ang patuloy na tumatangkilik ng substandard na tangke.
Alam n’yo ba na ang pagtangkilik sa mga pekeng LPG tank na ito ay isang malaking epekto sa ating ekonomiya dahil sa hindi naman nagbabayad ng buwis ang mga ito bukod pa sa napakadelikado.
Sa kasalukuyan ay umaasa lamang tayo sa Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) sa pamamagitan ng Surveillance and Monitoring Division na masusing binabantayan ang mga manufacturer ng LPG tank, ngunit marami pa rin ang nakalulusot, partikular sa mga lalawigan.
Umaasa lamang ang marami sa Fair Trade Law at sa mga batas sa product standards bilang suporta sa Bureau of Philippine Standards kaya nga hinihimok na lang natin ang publiko na isumbong sa FTEB kung may alam silang mga bodega na pinaglalagakan ng mga pekeng LPG tank.
Maraming fly-by-night manufacturer na nakatago lamang sa mga liblib na lugar ang kanilang mga pagawaan at madali itong malaman dahil sa maingay, pukpukan nang pukpukan habang gumagamit ng welding machine na madalas ay umaalingasaw ang amoy ng LPG sa kapiligiran.
Pero sa oras na mapagtibay na ng House at ng Senado ang Bicameral Conference Committee report hinggil sa niresolbang panukala ay agad itong ipadadala sa Palasyo para sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Napakalaking tulong nito dahil sa layon ng naturang panukala na makapagtakda ng standards at safety protocols para sa industriya ng LPG partikular sa mga importers, bulk suppliers, distributors, haulers, refillers, trademark owners, marketers, dealers at retail outlets.
Nakapaloob din sa ‘LPG Industry Regulation Act’ na magkaroon ng tamang proseso sa cylinder exchange and swapping program upang magkaroon ng pagkakataon ang consumers na makabili ng LPG brand na kanilang gusto.
May mga pagkakataon kasi na ang konsumer ay magpapa-deliver ng LPG at karaniwan ay napapalitan ng substandard o lumang LPG tank at kapag muling naubos ay muli silang magpapa-deliver at hindi na ito tatanggapin ng delivery boy dahil luma na umano, samantalang sa kanila rin nanggaling ang bulok na LPG tank.
Sa pamamagitan ng LPG Industry Regulation Act ay mahihinto na ang illegal trade ng substandard ng LPG cylinder at magkakaroon pa ng proteksiyon ng mga kumukonsumo nito at magkakaroon na ng tamang panuntunan sa pagpapatupad nito.
Nakalulungkot na ang mga fly-by-night manufacturer na ito ay nagsisiyaman habang ang mamimili ay parang nag-uwi ng bomba sa kanilang tahanan na kahit anong oras ay puwedeng sumabog at maging mitsa pa ng kamatayan ng mga mahal nila sa buhay!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments