ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Dec. 1, 2024
ISSUE #334
Ano nga ba ang nararapat at makatwirang gawin sa sitwasyon kung saan sa hindi inaasahang pagkakataon kung habang maayos na naghahanapbuhay ay may nakaharap kang panganib sa anyo ng isang lasing na bigla na lamang nananakit? Kailan nga ba masasabing makatwiran ang pagtatanggol sa sarili?
Sa araw na ito, ating ibabahagi ang isa sa mga kasong nahawakan ng Public Attorney’s Office (PAO), at ating suriin ang mga aral at paalala mula sa daing na nangyari kay Dalton, hindi niya tunay na pangalan, na isa sa mga kliyente ng PAO.
Sa kasong Camillo v. People (G.R. No. 260), sinulat ni Honorable Associate Justice Mario V. Lopez, na may entry of judgment noong ika-8 ng Pebrero 2023, ating tingnan kung ano ang naging pinal na pasya ng Korte Suprema ukol sa mga katanungang ating nabanggit.
Bilang unang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng tagausig. Alinsunod dito, aniya ay noong ika-12 ng Pebrero 2012, ay nagtatrabaho si Dalton sa tindahan ng kanyang amo, kung saan meron siyang tungkulin na mag-deliver ng mga sako ng bigas mula sa bayan. Habang may bitbit siyang isang sako ng bigas, bigla siyang sinuntok ni Joel, hindi nito tunay na pangalan.
Noong panahong iyon, lasing si Joel. Nagpatuloy sa pagtatrabaho si Dalton, subalit muli na naman siyang sinuntok ni Joel. Sa puntong iyon, ibinaba na ni Dalton ang sako ng bigas at sinuntok ang ilong at panga ni Joel. Natumba si Joel na tumama sa sementadong sahig na humantong sa kanyang kamatayan. Kaugnay sa mga pangyayari, kinasuhan ng pagpaslang o homicide si Dalton.
Sa kabilang banda, iginiit ni Dalton na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili. Gayunman, matapos ang paglilitis, hindi pinaboran ng trial court ang kanyang posisyon na siya ay kumilos lamang sang-ayon sa tinatawag na self-defense.
Sa halip, sa pananaw ng trial court, paghihiganti at hindi pagtatanggol sa sarili ang kanyang ginawa, kaya naman hinatulan siya sa kasong homicide.
Nag-apela sa Court of Appeals si Dalton. Sa desisyon na may petsang Disyembre 11, 2020, pinagtibay ng Court of Appeals ang naging desisyon ng trial court.
Ayon sa Court of Appeals, wala ang elemento ng labag sa batas na pagsalakay, o unlawful aggression.
Aniya, bagama't totoo na ilang beses na sinuntok ni Joel si Dalton, natigil na ang imminence nang diumano’y panganib na iyon matapos masuntok ni Joel si Dalton habang ang huli ay may bitbit na isang sako ng bigas.
Pagkatapos nito, wala nang anumang labag sa batas na pagsalakay, o unlawful aggression, kung saan kakailanganin pa ni Dalton na suntukin si Joel. Sa halip, ang ginawa ni Dalton ay ibinaba niya ang sako ng bigas, at gumanti ng suntok o paghampas kay Joel ng ganu’ng kalakas na naging sanhi ng pagkahulog at pagtama nito sa semento na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Dagdag pa ng Court of Appeals, walang alinlangan na si Dalton ay humigit sa panawagan ng self-defense nang siya ay nagpatuloy na nagdulot ng nakamamatay na pinsala kay Joel.
Sa pamamagitan ng aming tanggapan, sa katauhan ni Atty. MV Uy ng PAO-RSACU Mindanao, inakyat ni Dalton sa Korte Suprema ang isyu patungkol sa kanyang pagkakasala sa diumano ay kamatayan ni Joel.
Sa huling pagkakataon – sinabi ni Dalton na siya ay inosente sapagkat ipinagtanggol niya lamang ang kanyang sarili. Iginiit niya na nagkaroon ng labag sa batas na pananalakay sa panig ni Joel nang ilang beses siyang sinuntok.
Bukod pa rito, nanlaban din aniya si Joel nang ipagtanggol ni Dalton ang sarili niya. Kaya naman para mailigtas ang kanyang buhay, ibinaba niya ang sako ng bigas at sinuntok si Joel. Idinagdag niya na gumamit siya nang makatwirang paraan upang maitaboy ang pagsalakay ni Joel. Gumamit lamang siya ng kamao at hindi gumamit ng anumang sandata. Bilang panghuli, binigyang-diin niya na wala ring sapat na probokasyon sa kanyang bahagi. Ginagawa lang niya ang trabaho niya nang bigla siyang inatake nito. Pinanatili niya ang kanyang kawalang-kasalanan at nagpahayag ng kawalan ng layuning patayin si Joel.
Tulad nang ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-8 ng Pebrero 2023, pinal na natuldukan ang daing ni Dalton nang panigan ng Korte Suprema ang kanyang posisyon at nang siya ay mapawalang-sala sa kasong pagpaslang o homicide.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, hindi sila sumasang-ayon sa pangangatwiran ng trial court at Court of Appeals.
Aniya, nabigo silang kilalanin ang pagkakaroon ng labag sa batas na pagsalakay, o unlawful aggression mula sa pananaw o posisyon ni Dalton.
Una sa lahat, si Joel ay lasing at masungit. Ang kanyang pagkalasing at pisikal na karahasan ay naging isang tunay, nalalapit at aktuwal na panganib. Si Joel, sa flashpoint ng insidente, ay hindi lamang lasing sa alak, ngunit siya rin ay nagpapalabas, walang ingat at mapanuksong ugali. Ang panganib na nakatago sa kanyang ugali ay hindi mahirap isipin. Sa maraming kaso ng iresponsableng pag-inom ng alak, ang taong lasing ay maaaring magdulot ng pinsala o pagkamatay sa isang tao, o ang taong lasing ay namatay o nasugatan dahil sa pag-aamok.
Ang karahasang dulot ng pagkalasing ay hindi karaniwan. Ang survival instinct ng isang taong pisikal na sinaktan at patuloy na tinutumbok ng isang lasing na tao ay natural na gagawa ng mabilis, sunud-sunod at hindi maarok na paglaban, o pagtugon sa pag-iwas.
Ang trial court at Court of Appeals ay nagnanais ng pagpigil o restraint sa panig ni Dalton. Napag-alaman nilang hindi kapani-paniwala na maaari pa ring makipaglaban si Joel para saktan si Dalton dahil lasing at hindi na makalakad nang maayos si Joel nu’n.
Dagdag pa, si Dalton mismo pa aniya ang nagpatotoo na walang motibo o dahilan si Joel para hamunin siya ng away dahil wala silang anumang hindi pagkakaunawaan, o hindi pagkakasundo. Walang paliwanag si Dalton kung bakit hindi siya agad pumunta sa pulisya para i-report ang umano’y labag sa batas na pananalakay ni Joel sa kanya.
Gayunman, sa pananaw ng Korte Suprema, arbitrary na umasa sa pagpigil mula kay Dalton. Muli, siya ay pisikal at patuloy na sinaktan ng isang mailap at lasing na si Joel.
Noong oras na inatake siya ni Joel, si Dalton ay labis na nagsumikap sa pagbubuhat ng isang mabigat na sako ng bigas. Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang labag sa batas na pagsalakay, o unlawful aggression ay nagpapakita sa iba't ibang anyo. Hindi ito maaaring itago sa mga senaryo, o sitwasyon kung saan may mga mapanganib na armas na sangkot.
Ang paulit-ulit, walang ingat, at mapanuksong suntok ng kamao ay maaaring maging sanhi ng matinding panganib at pinsala. Para sa isang may conscious na pag-iisip, ang nalalapit na labag sa batas na pagsalakay, o unlawful aggression ay sakop ng likas na pag-iingat sa sarili. Ito ay partikular na totoo sa kaso ni Dalton na, habang gumagawa ng mabigat na trabaho ay biglang sinuntok ng isang lasing sa hindi malamang dahilan.
Pinatunayan ng lahat ng nakasaksi na hindi tumigil si Joel sa pag-atake kay Dalton matapos ibaba ng huli ang una at ikalawang sako ng bigas. Nanlaban pa rin si Joel hanggang sa sinalubong niya ang depensa ni Dalton. Bilang karapatan, kinailangan ni Dalton na maitaboy ang labag sa batas na pagsalakay nang may makatwirang puwersa.
Kung hindi, baka mawalan siya ng balanse at magkaroon ng fatal injuries, o malubhang pinsala bukod pa sa mga sanhi ng walang habas na suntok ng kamao ni Joel.
Ayon sa Korte Suprema, ang kamalian sa trial court at ang magkatulad na pangangatwiran ng Court of Appeals, hindi tulad ng mga mahistrado sa hukuman, si Dalton ay walang equanimity na mag-isip, magkalkula at gumawa ng mga paghahambing na madaling gawin sa katahimikan ng pangangatwiran.
Si Dalton ay naharap sa agarang banta at panganib sa kanyang buhay. Wala siyang ibang choice kundi ipagtanggol ang sarili laban sa walang ingat na salarin.
Pangalawa, ang pagtatanggol ni Dalton sa paggamit ng kanyang mga kamao ay makatuwirang kailangan para itakwil ang labag sa batas na pagsalakay ni Joel. Dalawang suntok lang ang ginawa ni Dalton sa mukha ni Joel. Mariing ipinahihiwatig nito na sinadya lamang niyang itaboy at pigilan si Joel.
Sa kasamaang palad, ang adrenaline force na kasama ng kanyang suntok na nagpabagsak kay Joel sa sahig ay nadagdagan pa ng kalasingan ni Joel. Gayunman, ang naturang pagtatanggol ay walang kaakibat na kriminal na layunin. Actus non facit reum, nisi mens sit rea. Dahil dito, hindi mananagot si Dalton sa mga kahihinatnan ng kanyang ginawa.
Bilang panghuli, hindi rin mapag-aalinlanganan na wala, o kung meron man ay hindi sapat ang probokasyon ni Dalton kay Joel. “Naghahanapbuhay lamang po ako,” wika ni Dalton. Sa madaling salita, ginagawa lang niya ang trabaho niya nang bigla siyang atakihin ni Joel. Wala silang napatunayang alitan, o hindi pagkakaunawaan na nagpa-excite kay Joel na pagsusuntukin si Dalton.
Ang nag-udyok kay Joel, kung meron man ay ang kanyang sariling kalasingan na sumisira sa kanyang pagkamahinhin at pagkamagalang.
Sa kasamaang palad, ang kanyang kalasingan ay niligawan ang kanyang kamatayan. Sa kasong ating ibinahagi, malinaw na ang pagtatanggol sa sarili ay isang makatwirang pangyayari na nag-aalis ng mga kriminal at sibil na pananagutan. Bagama't napatay ni Dalton si Joel, ang kanyang ginawa ay hindi lumabag sa batas. Walang pananagutang sibil na natamo dahil kumilos si Dalton nang walang kriminal na layunin at walang krimeng nagawa.
Sa kabuuan, bagama't ikinalulungkot na ang isang buhay ay nawala, ang katarungan sa totoong kahulugan nito ay hindi maaaring pahintulutan ang pagkakulong ng isang taong inosente sa mata ng batas.
תגובות