ni Rohn Romulo @Run Wild | Jan. 12, 2025
Photo: Gerald Santos - Instagram
Naghahanda ang Prince of Ballad ng Pilipinas na si Gerald Santos upang aliwin at pasayahin ang kanyang mga tagahanga sa kanyang pinakabagong solo concert na may titulong Gerald Santos: Courage (GSC). Gaganapin ito sa Enero 24, 2025 sa SM North EDSA Skydome.
Mula sa pagiging grand champion ng Pinoy Pop Superstar (PPS) hanggang sa international recognition para sa kanyang pagganap bilang Thuy sa Miss Saigon (MS), paulit-ulit na napatunayan ni Gerald ang kanyang talento sa pagkanta.
Ngayon, mas matapang niyang ipinapahayag ang mensahe ng lakas at katatagan sa pamamagitan ng kanyang advocacy na Courage Movement.
Ang Courage concert ay magiging isang hindi malilimutang gabi ng musika, isinulat at idinirek ng bisyonaryong si Antonino Rommel Ramilo. Mapapanood dito ang kakaibang Gerald — mas daring at sexier.
Aniya, “Konti lang sa image, but more on the songs, katulad nitong newest single ko na Hubad. Kasi, after sometime, may io-offer tayong bago, dahil kilala na akong balladeer and as a crooner. So, naisip namin na why not mag-reinvent? Kaya ‘yun ang dapat nilang abangan sa concert.”
Sa concert ay tampok ang mga special guests tulad nina Sheryn Regis, Elish (Aliw Awards' Best New Female Artist 2024), ang P-Pop group na ASTER, at iba pang surprise performers.
Sa suporta ng Echo Jham at Visionary Productions, nangangako ang Courage na magbibigay ng bagong benchmark para sa live music experiences ngayong 2025.
Mamarkahan din ng concert ang paglulunsad ng Courage Movement, na naglalayong matulungan ang mga naging biktima ng sexual harassment at iba pang uri ng pang-aabusong seksuwal.
Matatandaang noong nakaraang taon, inamin ni Gerald na naging biktima siya ng sexual abuse ng isang kilalang musical direktor noong siya’y 15-anyos. Sa tulong ni Sandro Muhlach at iba pang biktima, nagkaroon siya ng lakas ng loob na magsampa ng reklamo.
Ayon kay Gerald, “Noong makaiyak ako sa Senate, ang laki ng tinik na nabunot sa ‘kin. Pero may mga lumapit pa sa akin, ibang victims na ‘di pa handang lumantad. Kaya sabi ko, ‘di lang para sa ‘kin, para na rin sa iba pang victims.”
Nagpapasalamat din si Gerald kay Sen. Jinggoy Estrada sa pag-refer kay Atty. Malaya na tumutulong sa kaso.
Samantala, bilang bahagi ng kanyang bagong kabanata, inilabas ni Gerald ang kanyang pinakabagong single na Hubad noong Enero 10, 2025. Available na ito sa Spotify, iTunes, Amazon Music, at iba pang streaming platforms.
PERSONAL naming nasaksihan ang ika-16 na taon ng pamamanata ni Congressman Sam “SV” Verzosa sa Mahal na Poong Nazareno.
Bago sumampa sa Andas noong Enero 9, dumalo muna siya sa Pahalik sa Quirino Grandstand noong Enero 8.
Ayon kay SV, “‘Wag natin kakalimutan ang tunay na diwa ng pananampalataya kung bakit tayo narito. Ang pananampalataya na walang gawa ay patay na pananampalataya. So, kailangang isabuhay natin ang pagiging deboto.”
Kasama na ngayon si SV sa Hijos del Nazareno, ang grupong nangangalaga sa Poong Nazareno at tumutulong tuwing Traslacion.
Aniya, “Debosyon ko ang taunang paglahok. Isa sa paraan ko ito para makapagdasal nang taimtim at makakonekta sa Mahal na Nazareno. Kaya noong dininig ang panalangin ko, ipinangako ko nang magiging deboto habambuhay.”
Dagdag niya, “Patuloy ang pasasalamat ko, at siyempre, may mga dasal ako—hindi na lang para sa ‘kin kundi para sa mga kababayan natin, lalo na sa lungsod ng Maynila.”
Comments