ni Lolet Abania | December 30, 2020
Nakapagsumite na ang mga ospital sa Department of Health (DOH) ng report kung saan nakapagtala ng kaunting kaso lamang ng firecracker-related injuries ngayong taon kung ikukumpara noong nakaraan sa ganito ring panahon.
Ayon kay DOH Usec. Leopoldo Vega, may mga "minimal" reports lamang na kanilang natanggap mula sa trauma centers subalit posibleng madagdagan ito kasabay ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa naganap na Laging Handa briefing ngayong Miyerkules, pinayuhan ni Vega ang publiko na dapat na iwasan ang paggamit ng mga paputok o anumang uri ng firecrackers upang mapigilan ang anumang aksidente lalo na sa panahong halos lahat ng mga ospital ay patuloy na lumalaban sa COVID-19.
Matatandaang naiulat ng DOH na nakapagtala na ng 13 fireworks-related injuries sa ilang rehiyon sa bansa.
Walo sa mga nasugatan dahil sa paputok ay ‘nasabugan at napaso na hindi kailangang putulin’ ang anumang parte ng katawan habang ang lima naman ay eye injuries. Karamihan sa mga naging biktima ng paputok ay pinauwi rin agad matapos ang kanilang treatment at iisa lamang ang na-admit sa ospital, ayon sa ahensiya.
Kabilang sa mga paputok na ginamit ng mga biktima ay 5-Star, boga, Bong-bong, piccolo, baby rocket, fountain, kwitis, rebentador, at whistle bomb.
Ayon pa sa DOH, ang bilang ng mga biktima ng paputok na naitala hanggang December 29 ay 73% o 36 cases na mas mababa kumpara noong 2019.
Samantala, ilang siyudad sa Metro Manila, kabilang dito ang Quezon City, Caloocan, at Pasay, ang nagpapatupad na ng firecracker ban.
Kommentare