top of page
Search
BULGAR

Biktima ng credit card fraud at unauthorized transactions, dapat aksiyunan ng BSP!

ni Grace Poe - @Poesible | March 22, 2021



Isang taon mula nang isailalim ang ating bansa sa pinakamahabang quarantine sa buong mundo, napakalayo natin sa inaasam na pagtatapos ng pandemya. Sa halip, kinahaharap natin ang nakakatakot na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 na dahilan ng pagkakapuno ng ating mga ospital lalo na sa Kamaynilaan. Marami sa ating mga kababayan, nakararanas ng hirap na ngayon lamang nila natikman, lalo na ang mga nawalan ng trabaho at pagkakakitaan sa panahong ito.


Para maibsan ang paghihirap dulot ng pandemya, isinabatas ang Bayanihan 1 at 2 para makahinga sa pagbabayad ng utang ang ating mga kababayang apektado nito. Sa kabila nito, mahigit 23, 000 reklamo ang natanggap ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa mga bangko. Karamihan nito ay tungkol sa implementasyon ng mandatory grace period sa mga pautang at credit card bills.


Ang masaklap, marami ring nabiktima ng credit card fraud at unauthorized credit card transactions. Sa gitna ng paghihirap, may mga nakakaisip pang gumawa ng ilegal para magkapera, kahit nagpapahirap ito sa kapwa. Gipit na, lalo pang nabaon sa utang ang kawawang ‘Juan’ at ‘Juana’.


Dahil dito, nanawagan tayo sa BSP na magkaroon ng mas bukas na polisiya sa pagresolba ng consumer complaints at magpalakas ng polisiya nitong pangalagaan ang mga nag-iimpok at nangungutang sa mga bangko at institusyong pinansiyal. Sa panahong hirap na sa pananalapi ang ating mga kababayan, higit ang ating inaasahan muli sa ating regulador.


Hindi sapat na may ipinapataw na multa sa mga paglabag ng mga bangko sa mga regulasyon ng BSP. Higit na kailangang mabantayan ng nasabing ahensiya ang mga institusyong pinansiyal na itama ang mga maling gawain sa kanilang sistema. Kailangan ito upang manatili ang pagtitiwala ng mga tao sa integridad ng sistema ng pagbabangko. Krusyal ito sa pagbangon at pagpapatatag ng ekonomiya ng ating bansa.


Ang bawat polisiya ng BSP ay para sa kapakinabangan, dapat hindi lamang ng mga bangko, kundi ng karaniwang mamamayang nagtitiwala rito.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page