top of page
Search
BULGAR

Bigyang-pugay ang solidong sakripisyo ng mga health workers

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 2, 2021


Nitong Lunes, agad na lumusot sa Senado ang Senate Resolution 916 na ating in-sponsor sa Senado. Ito ay bilang pagkilala, at pagbibigay-pugay sa ating mga bayaning doktor, kasabay ng pagdiriwan ng National Physicians’ Day.


Alam n’yo, tulad ng ating mga sundalong patuloy na nakikipagbakbakan sa mga kalaban kahit nagkakaubusan na ng bala habang nasa gitna ng war zones, ang ating mga doktor ay ganun din.


Sa mga unang araw nang sagpangin tayo ng pandemya, sa kabila ng kakulangan ng kongkretong impormasyon tungkol sa COVID-19, hindi nag-atubili ang ating mga doktor na gamutin ang mga tinamaan nito, kahit ang ibig sabihin pa nito ay matinding panganib sa kanilang buhay. Kahit kulang na kulang sa mga nauukol na gamit, tuloy lang sa serbisyo. Ganyan ang mga bayani. Walang inuurungang laban. Handang magsakripisyo.


Ngayong patuloy ang roll out ng vaccines, nangunguna pa rin ang mga doktor sa pagsigurong ligtas ang proseso ng vaccination.


Ngayong pandemya, napakarami sa atin ang patuloy na nawawalan ng pag-asa na babangon pa tayo sa krisis. Dito natin makikita ang tunay na kahalagahan ng ating mga doktor. Hindi lang sila nariyan para gumamot ng mga pasyente – nariyan din sila para bigyan tayo ng pag-asa.


Ang kanilang pagsisikap, pagsasakripisyo at paggamit ng kanilang talino laban sa pandemya ang makatutulong sa atin upang unti-unti tayong makabalik sa normal na pamumuhay.


Marami na sa ating mga physician ang tinamaan ng sakit at may mga pumanaw habang nasa aktibong pagganap sa kanilang sinumapaang tungkulin.


Marso nang nakaraang taon, nang magsimulang hagupitin tayo ng pandemya. At mula Marso 2020 hanggang Setyembre 2021, mahigit 20,000 healthworkers natin ang nagkasakit dahil sa COVID at 105 sa kanila ang namatay dahil dito. Pero ang pangayyaring ‘yan, hindi nagpahina sa kanilang kalooban, bagkus, mas lalo pang nagpaigting sa kanilang tapang na labanan ang karamdamang ito. Solidong kabayanihan na kinakailangang kilalanin at parangalan.


Ang ating resolusyon ay sinuportahan ng magigiting nating mga kasamahan sa Senado na kinabibilangan nina Senators Migz Zubiri, Richard Gordon, Nancy Binay, Joel Villanueva, Imee Marcos at Pia Cayetano.


Ang National Physicians’ Day ay naisabatas noong 1978 sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 1789 na nagbibigay pagkilala sa mga doktor dahil sa kanilang tapat na pagsisilbi nang walang pinipiling oras, kasarian, estado sa lipunan, lahi at relihiyon makatulong lang sa mamamayan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page