ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 12, 2021
Sa unang bahagi ng 2021, inaasahan ang pagdami ng mga ipapanganak na sanggol sa bansa ngayong nasa kalagitnaan pa rin tayo ng pandemya, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).
Ito ang dahilan kung bakit parati nating ipinapaalala sa publiko ang kahalagahan ng mga programang pangkulusugan at pang-nutrisyon para sa nangangailangan ng mga sanggol at kanilang mga ina.
Ang ganitong mga programang ay iminandato sa “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” (Republic Act No. 11148) o ang “First 1,000 Days Law” na layong matugunan ang pangangailanang pang-nutrisyon ng mga mag-ina lalo na sa unang isang libong araw ng buhay ng isang sanggol. Binibigyang-prayoridad ng naturang batas ang mga nasa malayo o liblib na komunidad kung saan maraming mahihirap na pamilya.
Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA), may 100 milyong pondong nakalaan para sa complementary feeding program para sa mga ina at mga sanggol na may edad na hanggang dalawang taon. Bahagi ng naturang programa ang dietary supplementation, ang pagbili ng therapeutic milk at ibang pagkain na mayaman sa protina upang maging malusog ang parehong bata at ina.
Bibigyan ng prayoridad ang mga local government units (LGUs) dahil sila ang mas nakakaalam ng pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan o kung sino sa kanilang mga residenteng buntis, nagpapasusong ina at kanilang anak ang may kakulangan sa nutrisyon.
Talaga namang kailangang mabigyan ng prayoridad ang kalusugan ng parehong ina at mga anak mula sa pagbubuntis hanggang sa edad na dalawang taon. Ayon sa World Health Organization, ang kakulangan sa nutrisyon sa unang isang libong araw ng buhay ay naiuugnay sa “stunting” o mabagal na paglaki dahil sa kakulangan sa nutrisyon.
Ang mga batang “stunted” ay nanganganib na magkaroon ng mga nutrition-related chronic diseases. Mataas din ang tiyansa na ang mga batang ito ay magpakita ng mas mababang performance sa mga paaralan na maaaring makaapekto sa kanilang productivity sa trabaho pagdating ng panahon.
Bukod pa rito, kailangan ding paigtingin ang pagkakaroon ng angkop na reproductive health education, tulad ng mandato ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (Republic Act No. 10354). Mahalaga ito para masugpo ang teenage pregnancy sa bansa.
Kailangan ay patuloy nating tiyakin na may mga mabisa at ligtas na paraan ang ating mga komunidad upang magbigay-kalinga sa mga ina at kanilang mga sanggol na anak.
Huwag natin hahayaang magkaroon sila ng malnutrisyon. Karapatan ng bawat isa sa kanila na maranasan ang angkop na nutrisyon. Sa ganitong paraan, makakamit nila ang magandang pangangatawan at kalusugan mula pagkabata hanggang sa kanilang pag-aaral at maging sa pagtanda.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments