top of page
Search
BULGAR

Bigyang-prayoridad ang kabataan sa panganib na dulot ng pandemya at pinsala ng nagdaang bagyo

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 04, 2022



Sa gitna ng matinding sakuna, mariin nating hinihimok ang Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng mga batang apektado ng Bagyong Odette.


Maliban sa pagkakaroon ng ligtas na espasyo, dapat matugunan din ang kanilang mga pangangailangan pagdating sa kalusugan, nutrisyon, psychosocial support at iba pa.


Bukod dito, dapat hindi silang mabigyan ng health at sanitation kits dahil nananatiling banta sa kalusugan ng publiko ang COVID-19.


Mahalaga ring tutukan sa rehabilitation efforts ang ligtas na pagpapatuloy ng edukasyon.


Samantala, sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act, may P2 bilyong nakalaan sa Quick Response Fund (QRF) ng DepEd. Ang naturang pondo ay nagsisilbing stand-by fund para sa pagkukumpuni at muling pagpapatayo ng mga gusali at pasilidad sa mga paaralan. Maaari ring magamit ang QRF para sa pag-iimprenta at paggawa ng mga nasirang modules at iba pang learning materials.


Ayon sa DepEd, tinatayang 12 milyong mag-aaral sa 35,698 paaralan ang naapektuhan ng bagyo, samantalang 671 paaralan naman ang ginagamit bilang evacuation centers.


Sa Senate Bill No. 747 na inihain ng inyong lingkod noong 2019, isinusulong natin ang pagkakaroon ng permanent evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad upang maiwasan ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation center. Layon nitong magpatayo ng permanent evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay inihain din ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1565 o ang Education in the Better Normal Act upang paigtingin ang edukasyon sa panahon ng mga sakuna. Layon ng naturang panukala na magabayan ang muling pagbubukas ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa basic education sa panahon ng mga kalamidad, public health emergency, civil unrest at krisis na nagdudulot ng pagkaantala ng mga klase.


Sa ating pagbisita sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Odette, nakita natin ang kalunus-lunos na estado ng ating mga kababayan. Kaya hindi kaila na hinaharap ng maraming kabataan ngayon ang pinagsamang panganib na dulot ng pandemya at pinsala ng nagdaang bagyo. Mahalagang matutukan natin ang pangangailangan nila, lalo na pagdating sa kalusugan at kaligtasan, kabilang na ang ligtas na pagpapatuloy ng kanilang edukasyon at iba pang serbisyo.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page