ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 03, 2021
Isang malaking pasasalamat ang nais nating ipaabot sa Chairperson at napakasipag na kasama sa Senado na si Sen. Joel Villanueva dahil sa malaking karangalan na maging co-sponsor sa napakahalagang panukalang-batas hinggil sa kapakanan ng marinong Pinoy.
Buong-buo ang ating suporta sa Senate Bill No. 2369 sa ilalim ng Committee Report No. 289, na pinamagatang “An Act Instituting the Magna Carta of Filipino Seafarers” na magkasamang isinumite ng Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development at ng Committee on Foreign Relations.
Napakatagal na ng ating adbokasiya na mabigyang-proteksiyon at itaguyod ang karapatan ng ating mga marino at ang mapabuti ang kanilang kapakanan. Nagsimula pa ito noong ating unang termino bilang mambabatas. Sa 16th Congress pa lamang ay isunulong natin na ang Magna Carta of Filipino Seafarers sa ilalim ng Senate Bill No. 21.
Kaya tuwang-tuwa tayo sa Committee on Labor sa ilalim ng pangangasiwa ni Sen. Villanueva dahil ipinagpatuloy niya noong 17th Congress ang pangangalaga sa kapakanan ng ating mga marino. Sa madaling salita, salang-sala na ang panukalang-batas at sa mahabang panahon na ginugol upang balangkasin ito sa tulong ng mga concerned government agencies at stakeholders, kumbaga, hinog na hinog na para sa plenary discussion at puwede ng maging batas.
Ayon sa Department of Labor and Employment, tinatayang nasa 400,000 Filipino seafarers ang naglipana sa iba’t ibang bansa kung saan ang Pilipinas ang pinakamalaking pinagmumulan ng mga marino sa buong mundo.
Kaya marapat lamang na mabigyan ng sapat na pagkalinga ang industriyang ito — mula sa mga manggagawa mismo, hanggang sa kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya, hanggang sa kanilang gampanin sa kanilang pamilya.
Hindi pa man nagsisimula ang COVID-19 ay napakarami nang kinahaharap na suliranin ang ating mga marino na mas lalo pang lumala dahil nga sa pagbagsak ng ekonomiya dulot ng pandemya at nagsilbing wake-up call ang pangyayaring ito sa pamahalaan para paigtingin pa ang pagsisikap na magbigyang-proteksiyon ang marinong Pinoy.
Noong pa man ay sinisikap na ng ating pamahalaan na bigyang-proteksiyon ang karapatan ng mga marino at itaguyod ang kanilang kapakanan sa tulong ng ating mga kasamahan sa pribadong sektor. Isa sa mga pinakamahalagang dokumento na gumagabay sa sektor na ito ngayon ay ang Maritime Labor Convention, 2006.
Noong Agosto 20, 2012, niratipikahan ng Pilipinas ang Maritime Labour Convention, 2006 at dahil sa nasa ika-30 bansa tayo na nagsagawa nito ay pinairal nito ang Convention na magkaroon ng epekto noong Agosto 20, 2013. Sa naturang ratipikasyon, kinilala ng International Labour Organization (ILO) ang Pilipinas bilang “the largest source of the world’s seafarers” at “the home of nearly one third — 30 per cent — of seafarers working on foreign flag ships.
Dahil din dito ay nagmarka ang ating bansa na maiangat ang lebel bilang isang disenteng trabaho ang pagiging marino at hindi malayo na mula ngayon ay gagawa ulit tayo ng marka sa kasaysayan ng sektor na ito sa pamamagitan ng pagpasa ng panukalang-batas.
Ang naturang Convention ay nagbigay ng minimum requirements for seafarers to work on a ship; conditions of employment; accommodation, recreational facilities, food and catering; health, protection, medical care, welfare and social security protection; at compliance and enforcement.
Ang Magna Carta of the Seafarers ay ang batas na siyang iiral para magkaroon tayo ng pananagutan sa Maritime Labor Convention, 2006. Ang naturang panukala ay naglatag rin ng probisyon na tutugon sa konteksto, mga isyu at pangangailangan ng mga marinong Pinoy.
Layunin din ng Magna Carta of Filipino Seafarers na maglatag ng kumpleto, angkop, at makabuluhang instrumento na sisiguro sa kanilang karapatan at proteksiyon, lalo na sa mga kababaihan, at sa kanilang pangkalahatang pag-unlad.
Ilan sa mahahalagang probisyon ng naturang panukala ay ang mga sumusunod: the terms and conditions of their employment and the duties of seafarers; accommodation, recreation facilities, food and catering in ships; medical care and maritime occupational safety and health standards which shall be formulated by the DOLE; guidelines on termination of employment and settlement of disputes; at repatriation and reintegration of overseas Filipino seafarers.
Bilang co-author at co-sponsor ng naturang panukala ay ipinapanalangin kong makiisa sana ang ating mga kasamang mambabatas na agad isulong para maging ganap na batas sa lalong madaling panahon ang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Matagal nang inaasahan ng mga marinong Pinoy ang batas na ito at ito na ang pinakamagandang pagkakataon para ihandog natin sa kanila ang nararapat naman para sa kanila!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
留言