ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 4, 2021
Nakababahala ang jobs-skills mismatch, lalo na’t tumaas ang budget ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa nagdaang sampung taon. Sa panahong ito, tinatayang P14 bilyon ang natatanggap na pondo ng TESDA, ngunit may mga ulat pa rin tayong nakukuha na 70 hanggang 80 porsiyento ng mga graduates ng TESDA ay nagtatrabaho sa mga industriya na hindi akma sa kanilang naging pagsasanay o training.
Kaya hinihimok ng inyong lingkod ang ahensiya na tugunan ang mataas na antas ng jobs-skills mismatch sa mga nagtapos ng Technical-Vocational Education and Training (TVET o tech-voc).
Ayon sa pagsusuri ng Asian Development Bank (ADB) sa Individual Graduate Tracer Surveys ng TESDA para sa mga taong 2013, 2014 at 2017, umaabot ng 60 hanggang 80 porsiyento ang occupational mismatch sa mga TVET graduates. Noong 2017, 70 porsiyento ng mga kalahok sa naturang survey ay nakakuha ng trabahong hindi tugma sa programang kanilang tinapos.
Ang pagsusuri sa occupational group mismatch ay isa sa mga paraan upang ihambing ang aktuwal na trabaho ng TVET graduate sa programang kanyang tinapos. Halimbawa, inaasahang magiging welder ang mga nagtapos ng Shielded Metal Arc Welding National Certificate Level II (NC II). Ngunit kung sila ay nagtatrabaho bilang restaurant staff, sila ay nakakaranas ng training-job mismatch.
Sa nagdaang anim na taon, umabot sa 19.71 porsiyento ang average na itinaas ng pondo ng TESDA. Para sa 2022, P14.7 bilyon ang panukalang budget ng ahensiya, mas mataas ng P94 milyon 0.65 porsiyento kung ihahambing sa pondo nitong 2021.
Pinuna rin ng ADB na mula 2014 hanggang 2020, ang enrollment sa mga enterprise-based tech-voc training (EBT) programs na isinasagawa sa mga kumpanya ay umabot lamang sa apat na porsiyento. Dahil sa mga pagbabagong dulot ng teknolohiya at Industry 4.0, ipinaliwanag ng ADB na mahalaga ang inaasahang magiging papel ng EBT dahil umaakma ito sa mga workplace at workshop needs o pangangailangan ng mga kumpanya.
Para sa inyong lingkod, malaki ang potensiyal ng enterprise-based training dahil isang paraan ito para sa mga kumpanya na makapagbigay ng training na naaayon sa kanilang mga pangangailangan at puwedeng makapagbigay ng trabaho pagkatapos ng training period. Sa madaling salita, ang enterprise-based method ay apprenticeship at umaasa tayong mapapalawig natin ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
コメント