ni Grace Poe - @Poesible | March 1, 2021
Marso na at simula na ng tag-init. Mag-iisang taon na mula nang pumasok ang COVID-19 sa bokabularyo ng karaniwang Pilipino. Dalangin natin ang kaligtasan ng bawat isa at ng inyong mga pamilya at mahal sa buhay.
Nasabay pa sa pandemya ang problema ng ating mga magbababoy. Nadale ang industriya nila ng African swine fever (ASF) na pumatay sa halos ikatlo ng bilang ng mga baboy sa ating bansa.
Lubhang apektado rito ang ating backyard hog raisers o iyong may babuyan sa bakuran. Dahil sa panuntunang inilatag ng Department of Agriculture (DA) para kontrolin ang ASF, isang baboy lang ang magkasakit nito, kailangang patayin ang buong populasyon. Dahil dito, naglalaho ang inaasahan ng mga magbababoy na pambayad sa mga ipinakain sa kanilang alaga pati puhunan sa mga ito. Baon sa utang tuloy ang kawawang nag-aalaga ng baboy.
Sang-ayon tayo sa paglalaan ng pondo ng DA para ipautang sa ating mga magbababoy na apektado ng ASF. Ang problema, natatakot ang mga mismong mangungutang na mabaon lamang sila. Baka mangutang nga naman sila pero mamatay lang ang kanilang mga alaga, o kaya ay hindi naman sila makabawi sa puhunan dahil sa price ceiling sa halaga ng baboy sa palengke.
Hinihimok natin ang DA na bigyang-kaluwagan ang mga magbababoy na hindi makakabayad sa kanilang mga utang. May budget na naman para rito, ilaan na talaga natin sa ayuda sa kanila. Doble-trahedya ang kinahaharap ng mga magbababoy na nadale ang alaga ng ASF. Huwag naman natin silang ibaon sa utang na hindi na sila makakaahon.
Habang hinihintay natin ang pagsisimula ng programa ng pagbabakuna sa ating bansa para magkaroon tayo ng proteksiyon laban sa Covid-19, huwag nating kalimutan na hindi lamang ang sakit na ito ang nagpapahirap sa ating mga kababayan. Bigyan natin ng ayuda ang maliliit nating magbababoy na nakaasa sa kanilang mga alaga para sa kanilang kabuhayan.
Comentarios