top of page
Search
BULGAR

Bigyan ng oportunidad ang mga kabataan sa larangan ng sports

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Sep. 28, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Ang pagdaraos ng sports competitions ay isang paraan hindi lang para maipakita ng ating mga kabataan ang kanilang husay sa palakasan, pinatatatag din nito ang karakter, disiplina, at pagsusumikap ng bawat kalahok tungo sa pagkakaisa ng komunidad.


Epektibong paraan din ito para mailayo ang ating mga kabataan sa masasamang bisyo tulad ng ilegal na droga at magabayan tungo sa tamang landas para sa mas magandang kinabukasan. Gaya ng madalas kong payo, “Get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit.”


Naniniwala ang inyong Senator Kuya Bong Go na malayo ang mararating ng isang atleta kung sa grassroots level pa lang ay nabibigyan na siya ng sapat na suporta. Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports at on Youth at katuwang ang Philippine Sports Commission ay nagkakaloob tayo ng suporta sa mga proyekto, inisyatiba, at mga kumpetisyon na kaugnay sa sports lalo na sa kanayunan.


Ito rin ang dahilan kung bakit natin isinulong bilang may-akda at principal sponsor ang panukalang Philippine National Games (PNG) Act na na-ratify na sa Senado noong Lunes, September 23 ang bicameral report nito. Kung maaprubahan ng Pangulo ay magiging ganap na itong batas.


Layon ng PNG na ma-institutionalize ang isang national sports program para sa pagtuklas ng mga bagong talento at mabigyan ng oportunidad ang mga nais maging atleta nasaan man sila sa bansa. Hindi lang basta kumpetisyon ang PNG, isa rin itong platform para mahasa ang susunod na henerasyon ng ating sports heroes.


Tayo rin ang may akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11470 na nagtatag sa National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac. Nagkakaloob ito sa student-athletes ng secondary education na may kaakibat na specialized sports training. Mapagsasabay nila ang pag-aaral at pagsasanay nang walang masasakripisyo.


Bilang sponsor para sa budget ng sports sa Senado, naging instrumento tayo para maipaayos ang mahahalagang sports facilities gaya ng Rizal Memorial Coliseum sa Maynila at ng Philsports Arena sa Pasig City, paglalagay ng sapat na budget para sa pagsuporta sa mga atletang nagrerepresenta sa bansa sa mga pandaigdigang kumpetisyon tulad ng Olympics, at pagpapalakas ng mga programang pampalakasan sa grassroots.  


Bilang sports enthusiast at atleta rin, hangarin natin na matuklasan at masuportahan ang panibagong henerasyon ng bagong bayani sa larangan ng sports na susunod sa yapak nina Manny Pacquiao, Hidilyn Diaz, Carlos Yulo, at iba pa. Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito kaya anumang tulong na puwede nating maibigay sa kapwa, o anumang karangalan ang maaari nating madala sa bansa, ay gawin na natin ngayon!


Samantala, bumisita tayo sa Cavite noong September 25 para pangunahan ang inagurasyon ng bagong Super Health Center sa Dasmariñas City. Pinangunahan din natin ang pamamahagi sa 1,667 mahihirap ng tulong pinansyal na ating isinulong kasama si Mayor Jenny Barzaga.


Nasa Lobo, Batangas tayo kahapon, September 27, at personal na pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong katuwang si Mayor Lota Manalo para sa 1,000 apektadong hog raisers, na sa ating inisyatiba ay nabigyan din ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan. Nag-inspeksyon din tayo sa ginagawang bypass road na ating sinuportahan bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance. Binisita naman ng aking staff ang itinatayong multi-purpose building covered court na napondohan din sa ating inisyatiba. Bilang adopted son ng CALABARZON at kapwa Batangueño, isang karangalan din sa akin na maideklarang adopted son ng bayan ng Lobo.


Hindi naman tumitigil ang aking Malasakit Team sa pagtulong sa ating mga kababayan tulad ng 22 pamilyang nabiktima ng sunog sa Quezon City.


Sumuporta rin tayo sa 999 mahihirap sa Caloocan City; 1,000 transport workers sa Quezon City; 1,250 sa San Vicente, Camarines Norte kaagapay si Mayor Jhoana Ong; 300 sa Dapitan City, Zamboanga del Norte kasama si Mayor Bullet Jalosjos; at 800 sa Puerto Princesa City, Palawan kaagapay si Coun. Elgin Damasco.


Nagsulong naman tayo ng tulong pangkabuhayan para sa 26 na naapektuhan ng kalamidad sa Veruela, Agusan del Sur. Naging benepisyaryo rin ng programang pangkabuhayan ang 30 na maliliit na negosyante sa Caloocan City na ating tinulungan katuwang si Coun. King Echiverri.


Bukod sa tulong mula sa aking tanggapan, isinulong din natin ang emergency housing assistance mula NHA para sa pagpapaayos ng mga tahanan ng mga biktima ng sakuna. Sa Cotabato, naging benepisyaryo ang lima sa Arakan; 20 sa Midsayap; isa sa Magpet; at dalawa sa Libungan. May siyam naman sa Alabel, Sarangani; 52 sa Valenzuela City; anim sa Lutayan, Sultan Kudarat; at 34 sa General Santos City.


Tuloy rin tayo sa pagtulong sa mga nawalan ng hanapbuhay at sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan ng pansamantalang trabaho ang 500 sa Dauin, Negros Oriental kasama si Mayor Galicano Truita; 110 sa Tampakan, South Cotabato katuwang si BM Ryan Escobillo; 497 sa Medina, Misamis Oriental kaagapay si Mayor Donato Chan; 88 sa Santa Ignacia, Tarlac kasama si LNB President Alexander Manzano; at 53 sa Marilao, Bulacan katuwang si VM Jun Bob dela Cruz.


Sinuportahan din natin ang mga sports fest sa Sultan Kudarat State University sa Tacurong City mula Sept. 27-29; at sa Mindanao State University sa Maguindanao del Norte na ginanap noong Sept. 23-25. Nagkaloob din tayo ng wheelchair kaagapay ang PSC at si Coun. Girlie Balaba para sa 10 benepisyaryo sa Cagayan de Oro City. Panghuli, nakiisa ang aking opisina sa Elderly Senior Citizen’s Day sa Naval, Biliran, kasama si Mayor Gretchen Espina.


Sa abot ng aking makakaya ay tutulong ako lalo na sa mga kababayan nating mahihirap para mailapit sa kanila ang serbisyo ng gobyerno. Alay ko sa Pilipino ang aking kasipagan sa pagtatrabaho. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page