ni Mai Ancheta @News | August 5, 2023
Panibagong kalbaryo ang kahaharapin ng mga motorista sa susunod na linggo dahil sa posibleng oil price hike.
Ito ang magiging ikalimang linggo ng pagtaas sa presyo ng diesel, kerosene at pang-apat sa gasolina.
Ayon kay Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, posibleng tumaas ng mula P3.40 hanggang P3.60 kada litro ang diesel batay sa apat na araw na oil trading.
Maaari namang tumaas ng P2.45 hanggang P2.65 per liter sa kerosene at sa gasolina naman ay madadagdagan ng 15 sentimos hanggang 35 sentimos.
Sinabi ng opisyal na ang inaasahang oil hike ay epekto pa rin ng anunsiyo ng Saudi Arabia na magbabawas sila ng kanilang produksyon.
Sinegundahan naman ng ilang oil industry expert ang napipintong oil hike at hindi nalalayo ang kanilang pagtaya sa naging pahayag ng mga opisyal ng Department of Energy na nasa pagitan ng P2.45 hanggang P2.65 per liter sa kerosene; habang P0.15-P0.35 per liter sa gasolina.
Comments