ni Angela Fernando @News | June 1, 2024
Inihayag ni Pangulong Joe Biden ang kanyang tinawag na “tatlong-yugtong” panukala ng Israel para sa tigil-putukan sa Gaza kapalit ng pagpapalaya ng mga bihag na Israeli.
Iginiit niya ring panahon na para wakasan ang nangyayaring digmaan at umani ito ng positibong reaksyon mula sa Hamas.
Sinabing ang unang yugto o parte ay ang anim na linggong tigil-putukan kung saan ihihinto ng mga pwersang Israeli ang pag-atake sa lahat ng populadong lugar ng Gaza.
Ilang bihag, kabilang ang mga matatanda at kababaihan, ang palalayain kapalit ng daan-daang bilanggong Palestino. Ang mga sibilyang Palestino ay maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan sa Gaza at 600 na mga truck kada araw ang magdadala ng tulong sa enclave.
Sa ikalawang yugto, sinabi ni Biden na magkakaroon ng palitan para sa lahat ng natitirang buhay na bihag, kabilang ang mga lalaking sundalo.
Dito aatras ang mga pwersang Israeli mula sa Gaza at magsisimula ang permanenteng tigil-putukan.
Ang ikatlong yugto ay maglalaman ng isang malaking plano para sa muling pagtatayo ng Gaza at ang pagbabalik ng natitirang labi ng mga bihag sa kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Biden na natanggap ng Hamas ang panukala mula sa Qatar, at naglabas ng positibong pahayag ang Hamas.
Handa na rin ang Hamas na makipag-ugnayan nang maayos sa anumang panukala patungkol sa permanenteng tigil-putukan, paghinto ng mga Israeli sa pag-atake, muling pagtatayo ng Gaza, pagbabalik ng mga lumikas, at tunay na kasunduan sa pagpapalitan ng mga bihag kung malinaw na ipapahayag ng Israel na sila ay susunod sa nasabing kasunduan.
Comments