top of page
Search
BULGAR

Bicam-approved 2021 nat’l budget, posible na sa susunod na linggo

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | December 5, 2020



Lulusot sa takdang oras ang P4.5 trilyong 2021 national budget at siguradong may bagong pondo ang gobyerno pagdating ng Enero 1, 2021.


Ito ang sinisiguro natin ngayon dahil sa kasalukuyan, nagsisimula na ang bicameral deliberations para sa pambansang pondo. Posibleng sa susunod na linggo, ratipikado na ito ng dalawang sangay ng Kongreso.


May mga nagtatanong kasi kung gaano ang itatagal ng bicameral meeting para sa budget bill. Ang masasabi natin, bagaman awkward ang maglagay ng timeline sa pagpasa ng pondong ito, malawak ang panahon ng Kongreso para maipasa ito sa takdang panahon. Mayroong sapat na oras ang mga senador at mambabatas na kasapi ng bicam panels, sa pangunguna ng inyong lingkod, chairman ng Senate committee on finance, para sa bahagi ng Senate version at ni Cong. Eric Yap na counterpart natin sa Mababang Kapulungan na siya namang chairman ng House committee on appropriations.


Noong nakaraang taon, kung ating maaalala, halos isang linggo lang ang itinagal ng bicam deliberations at agad ding pumasa. Kaya naniniwala tayong ganundin ang magagawa natin sa kasalukuyan.


Nakasisiguro rin tayong lahat ng mga kasapi ng bicameral meeting ay aprubado sa kanila na paglaanan ng kaukulang pondo ang COVID-19 response ng gobyerno. Ito naman talaga ang tinututukan natin ngayon — ng inyong mga lingkod-bayan para mapaghandaan ang pagdating ng bakuna, programang pangkalusugan at iba pang proyekto para sa kapakanan ng mamamayan. Walang dapat pagtalunan d’yan.


Dito sa bicameral meeting, ito ‘yung venue kung saan pinaplantsa ang magkakasalungat na bersiyon ng Senado at ng Kamara sa national budget. At nakikita naman nating wala halos pagtatalunan kaya naniniwala tayong magiging maayos ang daloy ng pagpupulong. Wala tayong nakikitang iregularidad para kuwestiyunin dahil iisa lang ang hulma ng pupuntahan ng pondo— iyon ang priority programs para sa laban natin sa COVID at ang muling pagpapalusog sa ekonomiya na talagag namang naglatay nang husto dahil sa pandemyang ito.


Sa sandaling maplantsa na ang ilang differences na maliliit lang naman, siguradong lulusot na ang budget bill at maisusumite na sa lalong madaling panahon sa tanggapan ng Pangulo para sa kanyang paglalagda at pagpapatibay.


◘◘◘


Usaping basketball: Tayo ay umaasang maging naturalized player para sa Gilas Pilipinas ang Ateneo center na si Angelo Kouame.


Nag-file tayo ng panukalang batas nitong Oktubre, ang Senate Billl 1892 na naglalayong bigyan o i-grant ng Philippine citizenship ang 6’10’ Ivory Coast native upang makaagapay ng koponang Gilas Pilipinas.


Sakaling lumusot na sa Kamara ang counterpart bill natin, ang HB 5951, diringgin na rin ito sa Senado sa ilalim ng ng senate justice committee na pinamumunuan naman ni Senator Dick Gordon.


Malaki ang tiwala natin kay Kouame dahil sa ipinakikita nitong dedikasyon sa basketball at sabi nga niya, hindi man siya dugong Pilipino, pero ang kanyang puso at damdamin ay para sa Pilipino.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page