ni Mylene Alfonso | April 25, 2023
Inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang mga posibleng talakayin nila ni US President Joe Biden sa kanyang official visit, ang Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Defense Treaty (MDT), climate change at investments.
"Hindi napapag-usapan ngayon, VFA natin and the treaty that we have, Mutual Defense Treaty that we have with the US. We have to evolve it," wika ni Marcos sa isang panayam.
"It has to evolve... Nagbabago rin ang sitwasyon sa hinaharap natin, sa South China Sea, gitna ng mga pangyayari sa Taiwan, North Korea, lahat ng mga ano na medyo umiinit ang sitwasyon dito sa atin," pahayag niya.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa gitna ng tumataas na tensyon sa Southeast Asian Region.
"Kung ano itong partnership natin, kung ano ang mga pwede natin gawin upang bawasan naman ang rhetoric dahil medyo mabibigat ang usapan, nagkakabitawan ng maaanghang na salita na, siyempre inaalala natin 'yan," banggit ni Marcos.
Nakatakdang bumisita si Marcos sa Washington, D.C. sa Abril 30 hanggang Mayo 4 kung saan Mayo 1 nakatakda ang bilateral meeting ng dalawang lider.
Samantala, plano rin humingi ni Marcos ng iba pang tulong sa Amerika gaya ng kanyang ginagawa sa ibang biyahe niya.
"And siyempre, marami tayong hihingin na tulong dahil tayo lahat naman ay nagre-recover sa pandemya. At kung ano ‘yung mga -- ganun din kagaya nu'ng mga ibang biyahe na ginawa ko, kung ano ba mga partnership na puwedeng buuhin, ano bang mga puwedeng bagong teknolohiya na baka pwedeng dalhin dito sa Pilipinas na magagamit natin."
"All of these -- marami tayo… Kasi ang relationship natin sa America, sa maraming iba’t iba na pinag-uusapan. Hindi lamang militar. Hindi lang ekonomiya, pati ‘yung mga cultural exchange, pati ‘yun na nga ‘yung ngayon, ang matinding usapan is climate change. Lahat ay kailangan natin tingnan kung ano ba ang magandang partnership sa United States, ang magiging partnership natin. Pag-uusapan namin ni President Joe Biden kung ano ba talagang puwedeng -- paano pa tayo patuloy na magtulungan," dagdag pa niya.
Comments