ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 17, 2023
Hinirang na kampeon si dating World Games gold medalist "Black Tiger" Carlo Biado sa Manny Pacquiao Kalinangan 10-Ball Open Singles sa General Santos kamakailan.
Samantala, sasargo na ang Women In Sports 9-Ball Cup ngayong Marso 25-26 kung saan inaasahang papagitna ang may 68 lady cue artists mula sa Bacolod, Naga, Zamboanga, Laguna at sa Kamaynilaan kung saan masasaksihan ang kompetisyon.
Matapos naman ang pananatili sa ospital, muling nasaksihan ang angas na nagbigay rin kay Biado ng US Open na korona nang tapusin ng dating caddy ang paligsahan sa GenSan na walang talo.
Tinuruan ni Biado ng leksyon si Socram Moliva (7-4), sadsad sa kanya si Wilfredo Banluta (7-1) bago binokya si Arnulfo Ejida (7-0) sa dulo ng qualifiers.
Sa knockout stage naman, umangat ang kampeon kontra kay Michael Feliciano (final 32, 8-6), bago niya tinalo sina Jhon La Garde (round-of-16, 8-3), Jeffrey Ignacio (quarterfinals, 8-6) at "The Dragon" Anton Raga (semifinals, 9-8) para makapasok sa pangkampeonatong duwelo kontra kay Emmanuel Delgado. Sa huling laro ng paligsahan, pinaglaruan ni Biado si Delgado sa iskor na 10-4.
Kabilang sa mga kilalang bilyaristang kinapos sa torneo sina Kyle Amoroto, Indonesian Piala Birgilir 9-Ball Open winner, dating World 8-Ball champion "Robocop" Dennis Orcullo at si Asian 9-Ball Championships runner-up "Dodong Diamond" Zorren James Aranas.
Commentaires