ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | June 30, 2024
Dinaig ni 2017 World 9-Ball titlist Biado sa round of 32 ang kababayang si Johann Chua, 10-8, bago pinutol ang pag-aambisyon ni Kuwaiti Badar Alawadhi noong Last 16 sa iskor na 10-4 upang mapanatili ang pangkampeonatong paghahangad sa paligsahan.
Ngunit nabigong sumabay kay "Black Tiger" Biado ang anim na iba pang pambato ng Pilipinas matapos silang masipa palabas ng torneo dahil sa pagyuko sa magkakaibang mga katunggali.
Bukod kay "Bad Koi" Chua, laglag sa kangkungan sina Michael Baoanan, Sean Mark Malayan, Jonas Magpantay, Jeffrey Ignacio at Bernie Regalario. Si "Silent Killer" Magpantay ay nakatuntong lang sa round-of-16 samantalang ang iba ay hanggang sa Last 32 nakasampa.
Dahil dito, nakasalalay na lang kay Biado ang tsansa ng bansa na kuminang sa paligsahang kinikilala ng World Pool Billiards Association (WPA). Ang susunod na haharapin ng kasalukuyang World 10-Ball champion at WPA no. 10 sa kanyang paglalakbay sa Maldives ay si Mario He na parte naman ng Team Austria na naging kampeon na rin sa World Cup of Pool.
Bukod kina Biado at He, nasa eksena pa rin para sa korona sina Estonian Dennis Grabe, Griyegong si Alexander Kazakis, Polish Konrad Juszczyszyn at defending titlist Pin Yi Ko na mula naman sa powerhouse Taiwan.
Komentar