top of page
Search
BULGAR

Biado, Garcia at Corteza, pumalaot na sa last 16

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 15, 2022



Kabilang na sina Carlo Biado, Roland Garcia at Lee Van Corteza sa huling 16 na bilyaristang may malinaw na daan pa sa korona ng prestihiyosong US Open Pool Championships na nasasaksihan sa sarguhan ng Harrah's Resort sa Atlantic City, New Jersey.


Itinumba ni 2017 World Games gold medalist at defending champion "Black Tiger" Biado si Petri Makonnen ng Greece, 9-4, sa unang pagsubok sa knockout stage bago nagpakita ng tatag kontra kay Japanese Naoyuki Oi, 9-6, sa round of 32. Susunod naman na sasagupa sa Pinoy si Konrad Juszczysyn ng Poland.


Ginamit namang pasaporte ni 2017 World 9-Ball Championships 2nd placer Garcia ang mga panalo kontra kina Jesus Atencio (Venezuela, 9-4) at Wojciech Szewczyk (Poland, 9-6) para manatili sa paligsahan at makaharap si Polish Max Lechner.


Tagumpay naman sa laban kina Pin Yi Ko (9-4), isang double world titlist mula sa Taiwan, at Scottish Jayson Shaw (9-2), dating World 8-Ball king, ang nagtulak kay "The Slayer" Corteza papunta sa final 16 ng paligsahang dalawang beses pa lang na napapanalunan ng bilyarista mula sa Pilipinas. Kay Chris Melling ng Great Britain susunod na mapupunta ang atensiyon ni Corteza.


Sa kasaysayan ng event, 12 beses nang naging runner-up ang isang Pinoy. At bukod sa koronang nakuha ni Biado noong 2021, nagkampeon din sa event si Efren Reyes noong 1994.


Sina Roberto Gomez at Johann Chua ay nag-empake na dahil sa natikmang kabiguan laban kina Wu Kun Lin (Taiwan, 3-9) at Eclent Kasi (Albania, 7-9) ayon sa pagkakasunod-sunod sa simula ng "do-or-die" stage. Wala na rin sa eksena ang mga bigating sina Albin Ouschsan (Austria) at Shane Van Boening (USA).


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page