ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 21, 2022
Kumislap ang mga kulay ng bandila ng Pilipinas sa South America nang magkampeon si Carlo Biado sa kalalakihan samantalang sumegunda naman si Chezka Centeno sa kababaihan ng US Pro Billiards Series: Medalla Light Puerto Rico Open sa Convention Center ng San Juan, Puerto Rico.
Tatlong mga manunumbok ang nakaramdam ng husay ni "Black Tiger" Biado sa huling araw ng kompetisyong umakit ng mga malulupit ng bilyarista mula sa iba't-ibang bahagi ng daigdig.
Sa quarterfinals, umangat ang Pinoy kontra kay Albanian Eklent Kaci sa iskor na 2-1.
Pabor din kay Biado ang 2-1 na resulta sa paghaharap nila ni Venezuelan Jesus Atencio noong semifinals.
At sa huling match-up ng paligsahan, bokya ang natanggap na marka ni Daniel Maciol ng Poland sa kamay ng Pinoy pagkatapos ng dalawang laro.
Kasama rin sa mga kinasangkapan ni Biado para maselyuhan ang walang-mantsang marka sina Bart Czapala (Poland, 2-0), Yukio Akagariyama (Japan, 2-0), Ralf Souquet (Germany, 2-1), Asian 9-Ball 3rd placer Johann Chua (2-0) at dating World 10-Ball champion Ko Ping Chung (Taiwan, 2-1).
Isang tropeo at halagang $25,000 ang napasakamay ng dating World Games gold medalist at 2022 Hanoi SEA Games champion mula sa Pilipinas.
Sa kababaihan, bokyang iskor (2-0) ang ipinatikim ni Centeno kina Maria Juana, Monica Webb, Lu Silviana, Yuki Hiraguchi, bago niya sinilat ng dalawang beses si 2010 World 10-Ball queen Jasmin Ouschan mula sa Austria sa iskor na 2-1.
Sa finals, inalat na ang reyna ng bilyar sa Asya at tumiklop kay Taiwanese Tzu Chien Wei.
Comments