ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 16, 2020
Hindi pinabayaan nina Carlo Biado at Jayson Nuguid na magwakas ang kampanya ng Pilipinas sa harap ng matinding oposisyon nang matagumpay silang makapasok sa walo-kataong semifinals ng umiigting nang labanan sa pinakaunang edisyon ng online Predator One Pool 10x4 World One Pool 10-Ball Tournament.
Nanumbalik ang mainit na pagtumbok ni Biado, naging tanyag dahil sa pagiging gold medalist sa World Games 9-Ball event (2017) nang maging hari ng World Pool Billiards Association (WPA) 9-Ball Championship (2017), kaya ito maaliwalas na naka-arangkada sa kompetisyon. Kumana siya ng 112 puntos upang pangunahan ang kanyang round-of-16 bracket.
Malayo sa init ni “The Black Tiger” Biado ang 70 puntos ni ni Nuguid, isang Hall Manager ng isang bilyaran sa United Arab Emirates pero sapat na ito upang magpatuloy ang kanyang paglalakbay at upang gawin na lamang miron ang mga pamosong cue artists na sina Polish Konrad Jusczcyszyn (60 puntos) at Tyler Styler ng United States (43 puntos).
Nakapasok si Biado, bahagi rin ng Philippine Team na pumangalawa sa 2019 World Cup of Pool, sa knockout rounds ng paligsahan dahil sa mataas nitong estado sa mundo ng professional billiards samantalang si Nuguid, nakabase sa Abu Dhabi ay dumaan sa butas ng karayom nang pangunahan niya ang Tournament Qualifier No. 5. Ang iba pang kinatawan ng bansa (Oliver Villafuerte, Jordanel Banares at Elijah Alvarez) ay nahulog na sa sidelines.
Kasama pa ng dalawang Pinoy sa paghabol sa korona sina WPA no. 2 Joshua Filler (Germany), WPA no. 4 Fedor Gorst (Russia), mainstay ng World Cup of Pool Champion Austria na si Mario He, Roman Hybler (Czech Republic), Aloysius Yap (Singapore) at Jalal Alsarisi.
Comments