ni Ryan Sison - @Boses | August 29, 2021
Sa gitna ng patuloy na pakikipaglaban sa pandemya, talagang hindi papaawat ang ilan nating kababayan sa panlalamang sa mga higit na nangangailangan.
Isa na nga rito ang pagkubra ng ayuda na hindi naman para sa kanila. Ang masaklap, ang sangkot ay mga opisyal at dati nang nagsilbi sa barangay.
Kaugnay nito, isang barangay chairman at tatlong iba pa ang arestado sa pagnanakaw ng ayudang nakalaan para sa social amelioration program (SAP).
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa mga ito matapos makatanggap ng ulat ang mga awtoridad mula sa mga residente na pumunta sa claiming area at nalamang may kumuha na ng perang nakalaan sa kanila.
Ayon sa isang biktima, sinabi ng social worker na na-claim na niya ang ayuda pero iginiit nitong wala pa siyang nakukuha. Nang makita ng social worker ang litrato ng nag-claim, nalaman na ginamit lamang nito ang pangalan ng biktima at bago pa man siya makarating, may naunang pumunta at pineke ang kanyang ID gamit ang kanyang pangalan.
Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang Manila Department of Social Welfare sa MPD Special Mayor’s Reaction Team at napag-alamang taga-barangay mismo ang mga kawatan.
Ang mga suspek ay dating opisyal ng Bgy. 608 ng Sta. Mesa at dating tanod, habang kasama rin ang barangay chairman at isang kagawad.
Ang siste, si kagawad ang gumawa ng certification habang ang kapitan naman ang pumirma.
Nahaharap sa mga reklamong malversation of public funds at falsification of public documents ang mga suspek.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil tila walang kadala-dala ang mga opisyal na ito. ‘Yung tipong hindi na madaan sa mga paalala at babala kaya todo-gawa pa rin ng ilegal.
Ang masaklap pa, pinag-iinteresan ang kakarampot na pera na inaasahan ng marami nating kababayan.
Para sa mga opisyal na ginagamit lamang ang puwesto para sa pansariling interes, mahiya naman kayo. Ngayon, kayo kailangan ng taumbayan pero kung hindi ninyo magagampanan ang inyong tungkulin, pasensiyahan na lang. Dapat lang kayong turuan ng leksiyon at managot sa inyong mga kapabayaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments