ni Ryan Sison - @Boses | June 11, 2021
Responsibilidad ng mga punong barangay na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.
At sa panahon ng pandmeya, nadagdagan pa ang kanilang tungkulin dahil kailangan ding matiyak na sumusunod ang kanilang mga residente sa mga umiiral na health protocols kontra COVID-19.
Kabilang na rito ang pagtiyak na walang magaganap na mass gathering, na maituturing na “super-spreader” event kung saan posibleng magkaroon ng hawaan ng COVID-19.
Ngunit kung mabibigo ang mga punong barangay na pigilan ang mass gathering sa kanilang nasasakupan, nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaaresto at pakakasuhan niya ang mga ito.
Kaugnay nito, inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mas marami pang mga opisyal ng barangay ang sinampahan ng kaso dahil sa kabiguang ipatupad ang minimum health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Base sa ulat ng kalihim, sa kabuuan ay 613 ang nahuli dahil sa mass gatherings at 579 sa kanila ang pinagsabihan, 28 ang pinagmulta at anim naman ang kinailangang mag-community service.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil sa kabila ng mahabang panahon ng pakikipaglaban sa pandemya, tila hindi pa rin alam ng ilang opisyal ang dapat gawin sa kanilang nasasakupan.
Paalala lang, kayo dapat ang nangunguna sa pagpapatupad at pagsunod sa mga umiiral na health protocols at hindi ang pasimuno sa mga paglabag.
Tandaan na nariyan kayo sa puwesto dahil nagtiwala sa inyo ang publiko. At ngayong kailangan ng matitino at huwarang lider, patunayan ninyong kaya n’yo pasunurin ang inyong mamamayan.
Panawagan sa mga kinauukulan, patuloy na turuan ng leksiyon ang mga pabayang tserman na ito dahil hangga’t parelaks-relaks ang mga opisyal na ito habang kailangan sila ng taumbayan, walang mangyayari sa kanilang nasasakupan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments