top of page
Search
BULGAR

BFP modernization at Malasakit Center, para sa proteksyon ng mga Pinoy

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 9, 2023


Noong bagung-bagong upo pa lang ako sa Senado noong 2019, sa aking unang buwan ng panunungkulan ay isinumite ko ang isa sa aking mga prayoridad na panukalang batas, ang Senate Bill No. 204.


Layunin nito na palakasin ang Bureau of Fire Protection. Nakapasa ito at naging ganap na batas, ang Republic Act No. 11589, o ang Bureau of Fire Protection Modernization Act, matapos lagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong September 10, 2021.


Tayo ang principal author at co-sponsor ng naturang batas, na ngayon ay dalawang taon nang nagkakabisa. Importante na mabigyan ng suporta ang modernization ng ating BFP dahil napakahalaga ng tungkulin na ginagampanan nila upang makapagligtas ng buhay.


Pagkatapos ng ating panunumpa sa COMELEC bilang bagong halal na senador noong 2019, personal akong dumiretso sa mga pamilyang nasunugan sa Caloocan City. Halos linggu-linggo akong bumababa sa mga nasusunugan. Nakikita ko kasi ang hirap ng ating mga kababayang apektado ng sunog. Kahit isang bahay lang ang masunog, damay po pati ang mga kapitbahay.


Maraming pamilya ang apektado. Kaya dapat lang na palakasin ang kapasidad ng BFP sa pagresponde sa sunog.

Hindi lamang ang pagbili ng mga bagong fire trucks at equipment ang makatutulong sa paglaban sa mga sunog. Mahalaga rin dito ang fire safety education at information campaign para maturuan ang ating mga kababayan kung paano maiiwasan ang mga ganitong insidente.

Para rin ito sa ating mga bumbero upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan.


Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo dahil kahit hindi sunog, kasama sila sa mga unang sumusuong sa panganib at rumeresponde tuwing may sakuna at kalamidad anumang oras.

Higit sa lahat, sa BFP modernization ay mas mapoprotektahan ang buhay at ari-arian ng ating mga kababayan. Ang gamit na nasunog ay maaaring palitan, ang nawalang pera ay maaaring kitain pa, pero ang buhay ng tao ay hindi na. A lost life is a lost forever. Kaya ang pinakaimportante pa ring proteksyon laban sa sunog ay ang todong pag-iingat laban sa mga posibleng pagmulan nito.

Isa sa mga prayoridad na tulungan ng aking tanggapan ang mga kababayan nating nasusunugan dahil napakahirap ng kanilang kalagayan — na natupok na nga ang kabuhayan ay wala pang mapagkukunan agad ng panggastos para sa araw-araw na pangangailangan.

Bukod sa suportang ating ipinagkakaloob, naaalalayan din sila ng Malasakit Center kung kailangan nila ng tulong medikal. Ang Malasakit Centers Act ay isa sa ating mga inisyatiba bilang Chair ng Senate Committee on Health para mailapit sa ating mga kababayan, lalo na sa mga mahihirap, ang serbisyo ng pamahalaan. Tayo ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463 na nag-institutionalize sa ating sinimulang Malasakit Centers program. Sa datos ng DOH ay mayroon na ngayong 158 operational Malasakit Centers, at mahigit pitong milyong pasyente na ang natulungan.

Nagsisilbing one-stop shop na ang Malasakit Center kung saan nasa iisang bubong na ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office na mayroong sari-sariling medical assistance programs. Mayroon nang takbuhan ang mga tao at hindi na magpalipat-lipat ang pasyente sa pag-a-avail ng tulong sa mga naturang ahensya. Kapag pinagsama-sama ang mga medical assistance na ito, layunin ng Malasakit Center na mapababa sa pinakamababa ang hospital bill ng pasyente.

Kamakailan ay naghatid ng tulong ang aking tanggapan sa mga residenteng nasunugan o naharap sa iba’t ibang krisis sa Arkong Bato, Valenzuela City. Ilan sa kanila ang nagpasalamat sa tulong na ipinagkaloob ng Malasakit Center.

Isa rito si Manilyn Sarmiento na nasunugan habang siya ay nagbubuntis. Dahil sa Malasakit Center, natulungan siya sa bayarin sa ospital. Nasunugan din si PJ Opana Oral at nakatanggap ng tulong mula sa ating tanggapan. Ang Malasakit Center din ang sumagot sa kanyang pagpapagamot matapos siyang tamaan ng tetanus. Aniya, malaking bagay sa mga tulad niya ang Malasakit Center. Isang senior citizen naman si Erlinda Baby Natividad Morelos na nasunugan din. Lagi siyang inaalalayan ng ating tanggapan dahil malapit sa ating puso ang mga nakatatanda.

Ang mga nasunugan sa Valenzuela City ay nakatanggap din ng hiwalay na tulong mula sa National Housing Authority dahil may programa silang ating isinulong noon at ipinagpapatuloy ngayon upang mabigyan ng pambili ng yero, pako at iba pang materyales na pampaayos ng bahay ang mga biktima ng sakuna. Lahat ng posibleng paraan para maihatid natin ang serbisyo at matulungan ang ating mga kababayan ay atin pong pinagsisikapan na maisulong at maipatupad. Samantala, nabigyan rin ng housing assistance ng NHA na atin ding sinuportahan ang 22 residente ng Antipolo City na naapektuhan ng landslide.

Bukod dito, tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan sa lahat ng sulok ng ating bansa na apektado ng iba’t ibang krisis. Masaya kong ibinabalita na kahapon, September 8 ay nagkaroon ng inagurasyon para sa itinayong Tubigon Dialysis Center sa Bohol sa pamumuno ni Mayor William Jao.

Nakatanggap din ng dagdag na suporta mula sa atin ang mga benepisyaryo ng livelihood program ng Department of Trade and Industry na ating isinulong noon at patuloy na sinusuportahan ngayon upang mabigyan ng puhunan ang mga kuwalipikadong benepisyaryo na naapektuhan ng krisis at maturuan kung paano palaguin ang kanilang negosyo. Kasama rito ang 59 benepisyaryo mula sa Patnongon, 20 sa Sibalom, 13 sa Bugasong, 12 sa Hamtic at dalawa sa Belison, lahat sa Antique. Katulad na suporta rin ang natanggap ng 84 benepisyaryo sa Abucay, Balanga, Bagac, Dinalupihan, Hermosa, Limay, Mariveles, Morong, Orani, Orion, Pilar at Samal sa probinsya ng Bataan, at ng 26 sa Bongabon, Nueva Ecija.

Nagkaloob din tayo ng ayuda sa 689 elementary and high school students sa Puerto Princesa City, Palawan katuwang ang tanggapan ni Councilor Elgin Damasco, gayundin sa 100 TESDA graduates sa Danao City, Cebu. Bukod sa ating ibinigay na tulong, naging benepisyaryo ng programang TUPAD ng DOLE ang 382 residente na nawalan ng trabaho sa Iloilo City.

Ang mga kuwento ng pagbangon at pag-asa ng ating mga kababayan ang nagbibigay inspirasyon sa akin para patuloy na maglingkod nang buong puso sa abot ng aking makakaya. Masaya ako na ang ating mga isinusulong na programa at nalilikhang mga batas ay nakapagpapagaan at nakakatulong na masolusyunan ang kanilang mga problema. Hindi po tayo titigil sa ating ginagawa, at sa pagtupad sa tungkuling ibinigay at ipinagkatiwala ninyo sa akin.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page