ni Janiz Navida @Showbiz Special | Jan. 4, 2025
Photo: Philip Salvador at Sen. Jinggoy Estrada - IG
Papasok na rin pala sa pulitika ang misis ni Sen. Jinggoy Estrada na si Ms. Precy Ejercito.
Nalaman namin ito dahil sa pakiusap ni Sen. Jinggoy sa ibinigay niyang post-Christmas party for the entertainment press na suportahan ang kanyang misis na first nominee ng BFF (Balikatan of Filipino Families) Partylist.
Pag-amin ni Sen. Jinggoy nang makausap namin, “Well actually, ayaw niya talagang tumakbo, eh, sabi ko, siya na siguro ‘yung magiging model ng pamilyang Pilipino. Siguro, it’s about time na maging active na rin siya sa politics para marami kaming matulungan.”
At dahil napag-usapan na ang pulitika, nahingi namin ang reaksiyon ni Sen. Jinggoy sa pagtakbo na ring senador ng kanyang BFF (best friend forever) na si Phillip Salvador, na unfortunately, nasa magkaiba silang partido.
Sagot ni Sen. Jinggoy sa tanong namin kung bakit ‘di niya inimbitahan si Kuya Ipe na sa partido nilang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) umanib, “Wala naman akong karapatan. Iba ‘yung partido ko, eh. I do not belong to any party. I only belong to the Pwersa ng Masang Pilipino.”
And when asked kung ano’ng maipapayo niya sa kaibigan ngayong nagbabalak nga itong makasungkit ng isang puwesto sa Senado tulad nila nina Sen. Bong Revilla, Jr., Sen. Lito Lapid at Sen. Robin Padilla, “Well, siyempre, alam mo, ‘pag wala kang experience sa national campaign, you have to strive more. Lalo na siya, baguhan, baka mahirapan pa.
So, konting sipag lang,” ang binitawang pahayag ng senador.
Samantala, gustung-gusto palang bumalik sa showbiz ni Sen. Jinggoy pero dahil malaki ang itinaba niya, aminado siyang mahihirapan siya.
Pero kung may tamang project daw ay willing naman siyang mag-produce uli para makatulong sa mga taga-industriya.
At habang ‘di pa siya nakakabalik sa showbiz, panoorin na lang daw muna siya sa kanyang weekly show sa Facebook, ang Jing Flix with Kuya Jing na nagbibigay-tulong at aliw sa ating mga kababayan.
Hindi man pinalad na maging champion sa Star In a Million, naging maganda naman ang buhay ng dating finalist ng singing contest na si Garth Garcia, na balik-‘Pinas para sa kanyang birthday show ngayong gabi sa Aromata Bar and Resto sa QC na produced ng kanyang good friend na si Ms. Anna Puno.
First time naming nakapanayam ang singer sa Doon Thai and Asian Fusion Resto na pag-aari ni Ms. Anna Puno nu’ng Dec. 31 at nalaman naming concert producer na rin pala si Garth sa USA bukod sa pagiging businessman.
Naikuwento niya sa amin na ang madalas niyang kuning performer doon ay ang Soul Diva na si Jaya na may ilang taon na ring iniwan ang ‘Pinas para sa US na tumira kasama ang pamilya.
Nag-e-enjoy naman daw du’n si Jaya na kilalang-kilala ng mga kababayan natin at wala pa rin daw itong kupas, ayon kay Garth. At dahil mabenta nga ru’n si Jaya kaya malabo pa raw na bumalik ito ng ‘Pinas.
Ang dream concert daw ni Garth sa USA ay mapagsama-sama sina Martin Nievera, Gary Valenciano, Regine Velasquez at Pops Fernandez.
Maganda pa rin naman daw ang reception ng mga Pinoy doon sa mga Filipino singers, pero mas kakaiba raw talaga ang appreciation na natatanggap nila rito sa ‘Pinas kapag nagpe-perform sila kesa sa ibang bansa, kaya ginusto niyang mag-birthday concert dito para makasama na rin ang mga kapamilya at kaibigan.
Kakantahin ni Garth sa kanyang birthday show ang mga awit mula sa kanyang unang album, pati na ang ilang kanta mula sa kanyang US releases.
Nakatapos na siya ng limang albums, kabilang ang dalawa sa ilalim ng Ivory Music dito sa Pilipinas at tatlo sa sarili niyang label sa US, ang Star Link Music.
Ang 4th Impact ang special guest ni Garth Garcia sa kanyang birthday show ngayong gabi sa Aromata Bar and Resto.
Well, sana nga’y mas maging matagumpay pa sina Garth at Ms. Anna Puno sa pagdadala ng mga Pinoy performers abroad para makatulong din sa ating mga local singers na mabigyan ng show at raket doon.
Comments