top of page
Search
BULGAR

Bff na nag-suicide, nagpaparamdam

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | October 31, 2022


Dear Sister Isabel,

Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa best friend ko. Nag-suicide siya, isang linggo na ang nakakalipas. Hindi niya kinaya ang mga dagok ng buhay dahil 17-anyos pa lang siya at may asawa at anak na isang taon pa lang. Sobra siyang na-depress dahil masyado pa siyang bata para pasukin ang buhay may asawa. Marahil ay hindi niya alam na ang pag-aasawa ay para lamang sa mga nasa hustong gulang at wastong kaisipan na para sagupain ang mga pagsubok sa buhay. Gayundin, hindi niya naisip na ang pag-aasawa ay hindi parang kanin na isusubo na iluluwa ‘pag napaso.


Sa ngayon ay pinaglalamayan pa siya at nagparamdam ang kaluluwa niya sa akin. Nasabi ko ito dahil amoy gumamela ang kuwarto ko at ramdam ko na nasa paligid lamang siya, kaya kinilabutan at natakot ako, pero nilakasan ko ang aking loob at kinausap ko siya. Sinabi ko na hanapin na niya ang kaliwanagan dahil wala na siya sa mundo at nasa kabilang daigdig na siya. Sinabi ko rin na mas mabuti ru’n dahil walang gutom, uhaw at problema. Gayunman, patuloy siyang nagpaparamdam.


Ano ang dapat kong gawin para tuluyan nang matahimik at makarating ang kaluluwa niya sa langit sa piling ng mga anghel at makapangyarihang Diyos?


Nagpapasalamat,

Joanne ng Davao


Sa iyo, Joanne,


Tama ang ginawa mo na kinausap siya. Ipinapayo ko na ipagdasal mo ang kaluluwa niya at magpamisa ka para sa katahimikan niya. Magtirik ka rin ng kandila sa iyong altar at ipagdasal ang kanyang kaluluwa. Makakatulong ito upang hanapin na niya ang daan patungo sa kaliwanagan at huwag siyang manatili sa mundo kung saan puwede siyang maging kaluluwang ligaw o lost soul na pagala-gala sa mundong ibabaw at hindi alam ang patutunguhan habang patuloy na ginagambala ang mga naiwan niyang mahal sa buhay.


Ang pagdarasal tungkol sa kanyang kaluluwa ay hindi lamang para sa ikatatahimik niya. Makakatulong din ito upang marating niya nang mas magaan at walang sagabal ang landas patungo sa langit. Sabihin mo rin sa naiwan niyang pamilya na sunugin ang lahat ng mga gamit, damit at ang lahat ng bagay na konektado o masyadong attached sa kanya noong nabubuhay pa siya dahil maaaring sumanib pa siya sa mga bagay na nabanggit. Hindi niya magi-give up ang mga ‘yan, lalo na ang mga damit na gustong-gusto niyang isuot noong buhay pa siya. Gayundin, huwag n’yong ipamigay o ibenta sa ukay-ukay ang mga damit dahil kapag isinuot ito ng nakabili, magpaparamdam siya. Posibleng hilain niya ang manggas o laylayan ng damit. ‘Yan ang hiwaga ng kaluluwa na ayaw pang umalis sa mundo.


Muli, prayer is the key. Ipagdasal mo ang katahimikan ng kanyang kaluluwa at magpamisa ka. Magtirik ka ng kandila habang nagdarasal. Sabihin mo rin sa pamilya niya na magdasal nang siyam na araw para sa kanyang kaluluwa at pagdating ng ika-40 araw, magpadasal pa rin at maghanda ng kaunting salo-salo. ‘Pag mas maraming nagdarasal para sa kanya, mas makakatulong upang magaan niyang tahakin ang landas tungo sa kalangitan sa piling ng Kataas-taasang Diyos at muli ring babalik sa kanya sa takdang panahon.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page