ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | October 12, 2022
Dear Sister Isabel,
Dati akong overseas Filipino worker sa Korea. Na-in love ako sa anak ng boss ko at in love rin siya sa akin, tapos nalaman ng amo ko na may relasyon kami at tutol siya dahil binata ang anak niya, habang ako ay biyuda at may isang anak.
Dahil d’yan, inilayo ng boss ko ang anak niya at ipinadala sa China upang mag-manage ng business nila ru’n. Bawal pala sa mga Koreano ang mag-asawa ng biyuda ang isang binata, kaya sa kabila ng pagtutol niya, walang nagawa ang boyfriend ko kundi sundin ang mga magulang niya.
Labis akong nalungkot at para akong masisiraan ng bait. Hindi ko alam ang gagawin dahil nasesante ako sa trabaho at pinauwi na rito sa Pilipinas.
Nawa’y matulungan n’yo akong hilumin ang sugat sa aking puso. Kailangang-kailangan ko ang payo n’yo, gayundin ang mabubuting salita para makayanan ang sinapit ko.
Nagpapasalamat,
Badette ng Caloocan City
Sa iyo, Badette,
Kung hindi ukol, hindi bubukol, ibig sabihin, kung hindi siya ang nakatakda sa iyo, tanggapin mo ito nang maluwag sa kalooban mo. Darating din sa takdang panahon ang katapat mo at kahit hindi mo hanapin, kusang darating ang itinakda sa iyo ng kapalaran.
Dahil d’yan, huwag ka nang malungkot, bagkus, harapin mo nang may buong tatag at buong tapang ang pagsubok na ‘yan sa iyong buhay. Liligaya ka rin sa takdang panahon, gayundin, natitiyak ko na matatagpuan mo ang katapat ng iyong puso na siyang magiging kaagapay mo habambuhay.
Pagpalain ka nawa ng Dakilang Kataas-taasan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments