ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 3, 2025

Photo: Sam Verzosa at Isko Moreno - IG, FB
Aminado si Rhian Ramos na wala sa bokabularyo niya ang kasal noon kung kaya’t wala siyang dream wedding, pero nabago ito nu’ng maging kasintahan niya ang businessman at mayoralty candidate na si Sam Verzosa.
Pagtatapat ni Rhian sa nakaraang mediacon ng upcoming show niya na Where In Manila, naging komportable lang siya sa ideya ng kasal nang maging sila ni Sam, at kung paano nila matagumpay na nalagpasan ang mga pagsubok at hindi nila pagkakaintindihan o conflicts sa pagitan nila ang nagbukas sa mga mata niya na gusto niyang tumanda na si Sam ang kasama at vice-versa.
Ito nga rin ang dahilan na bukod sa walang dream wedding ay walang masabing motif o konsepto sa kasal si Rhian Ramos dahil hindi nga niya pinangarap talaga noon na magpakasal.
NGAYON nga na kasagsagan na ng kampanya para sa 2025 national elections, mainit na pinag-uusapan ang pagpaparunggitan nina Sam Verzosa at Isko Moreno na magkatunggali bilang mayor ng Maynila.
Sa isang speaking engagement ni Isko ay nabanggit nito ang isang pabida, Superman na nagpapamudmod ng mga de-lata at bigas sa mga taga-Maynila, pero hindi naman daw naramdaman nu’ng panahon ng pandemya.
Agad namang nagpakita ng mga resibo si Sam kung saan inilabas nito sa kanyang social media ang mga videos kung saan kasama si Isko ay nagbigay ng donasyon at tulong ang Frontrow International nila ni RS Francisco nu’ng si Isko pa ang nakaupong mayor ng Maynila.
Tinanong namin si Rhian kung ano ba ang payo na ibinibigay niya kay Sam ngayon na mainit ang pagpapalitan ng mga salita ng kanyang BF at ni Isko.
Ayon sa Kapuso actress-TV host, sinabihan niya si Sam na bilang public personality ay hindi dapat nito tinitingnan na personal ang atake sa kanya dahil hindi naman siya personal na kilala ni Isko.
Pagkukuwento rin sa amin ni Rhian, sinabihan niya pa ang boyfriend na walang kahit na sinong tao ang makakapagsabi kung sino talaga ito kundi ang sarili lang nito.
Pahayag din ni Rhian, kapag may bagong nababasa si Sam ay nagkukuwento ito sa kanya. Binabasa niya ang lumabas na kuwento o isyu at lagi niyang sinasabi kay Sam na dedmahin na lang ito at nakikinig naman daw sa kanya ang boyfriend.
Sa ngayon ay abala rin sa taping ng Sang’gre kung saan gumaganap si Rhian bilang si Metina Cassiopeia, pero bukod dito ay binalikan ni Rhian ang hosting kung saan mapapanood siya sa Where In Manila, isang magazine/lifestyle show sa darating na March 8, tuwing Sabado, sa ganap na 11:30 nang gabi. Excited at masaya si Rhian sa bago niyang show kung saan maipapakita niya ang mga maipagmamalaking tourist spots at mga pagkain sa Maynila at mga kalapit na bayan sa buong Metro Manila.
NAGULAT kami sa husay sa pag-arte ng vlogger at bida sa upcoming horror film na Postmortem na si Jai Asuncion, kasama sina Alex Medina, Agassi Ching at Sachzna
Laparan sa ilalim ng panulat at direksiyon ni Direk Tom Nava.
Isa itong pelikula na umiikot sa pamahiin nating mga Filipino kapag nakakita ng walang ulo o pugot na tao.
Maganda ang istorya at mahusay ang pagkakadirek ni Direk Tom sa kabila na ito ang kauna-unahang full-length movie niya. Nagsimula at nahasa si Direk Tom sa mga teleserye ng ABS-CBN kung saan nagtrabaho siya bilang cameraman sa mga sumikat na serye ng Kapamilya Network tulad ng Wild Flower, Blood Sisters, atbp..
Wala namang maaaring kumuwestiyon sa husay sa pagganap ni Alex Medina na talaga namang kahit na anong role ang ibigay ay tiyak na lulutang at tatatak.
Bumilib lang kami kay Jai dahil natural na natural at hindi mo aakalaing ito ang kauna-unahang pelikula na ginawa niya.
Bilib din kami sa propesyonalismo nina Jai at Agassi dahil mag-ex pala ang dalawa at naging magkarelasyon sila sa loob ng 5 taon.
Hindi rin itinago ni Jai na nu’ng una ay nagdalawang-isip siya nang malaman niya na makakasama niya sa Postmortem si Aga, kung saan bukod sa malalim ay masakit ang naging paghihiwalay nila.
Nagdesisyon ang dalawa na ihiwalay ang personal nilang buhay sa kanilang trabaho at magpokus na lang sa kani-kanilang career kung saan kilala rin sila bilang mga vloggers.
Ang Postmortem ay mapapanood na sa darating na March 19 sa mga paborito nating sinehan at ito ay produced ng WeCamp Entertainment at Square One Studios.
Gusto rin naming magpasalamat sa aming nanay-nanayan na si ‘Nay Cristy Fermin sa imbitasyon kung saan ang mediacon na ito ay naging get-together na rin ng mga anak sa showbiz ni ‘Nay Cristy at ginanap pa ito sa Mga Obra ni Nanay na malapit sa puso ng bawat isa sa amin.
Comments