ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 14, 2021
KATANUNGAN
Wala pa rin akong girlfriend ngayon, kaya naisipan kong sumangguni sa iyo upang malaman kung kailan ako magkaka-girlfriend. May nililigawan naman ako, kaso parang wala siyang gusto sa akin. Siya ay isang Aquarius at Cancer naman ang zodiac sign ko. Dapat ba akong magpatuloy o tumigil na lang bago tuluyang ma-busted?
Maestro, sana mabigyan n’yo ako ng tamang advice upang hindi ako magkamali ng desisyon at plano ko rin kasing mag-asawa na kapag natapos na ang pandemya, kaya gusto ko na talagang magka-girlfriend.
Sa palagay n’yo, ayon sa guhit ng aking mga palad, magkaka-girlfriend na ba ako ngayong 2021 o 2022?
KASAGUTAN
Tunay ngang mas maganda, malinaw at mahaba ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad kung ikukumpara sa naunang sobrang ikli at halos hindi gumuhit na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.).
Ibig sabihin, sa sandaling itinigil mo na ang panliligaw sa babaeng isinilang sa zodiac sign na Aquarius, tiyak ang magaganap ngayong 2021, sa buwan ng Setyembre, isang babaeng isinilang sa zodiac sign na Scorpio ang magiging girlfriend mo kung saan ang babaeng ito ay kilala o kaibigan mo na. Sa sandaling nagkapalagayan kayo ng loob, wala pang isa o dalawang buwang panunuyo, para kang tumama sa lotto, mabilis ang magaganap at tulad ng nasabi na, magiging girlfriend mo siya ngayong taon sa buwan ng Setyembre o Nobyembre.
DAPAT GAWIN
Tulad ng nasabi na, Caleb, dahil hindi mo naman ka-compatible ang Aquarius, mas mainam na itigil mo na ang panliligaw sa sinasabi mong babae. Sa halip, habang pumapasok ang panahon ng tag-ulan, lumingon-lingon ka sa iyong kapaligiran dahil maaaring kasamahan mo sa trabaho o kapitbahay n’yo lang ang babaeng Scorpio, na medyo maputi, malusog ang pangangatawan at mababa ang height, siya ang ligawan at suyuin mo, nang sa gayun ay kusang matupad ang iyong plano at pangarap— sa edad mong 28 pataas, magkaka-girlfriend ka at ang nasabing suyuan ay hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.
Comments