top of page
Search
BULGAR

Bet mag-abroad ulit pero tutol ang mister

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 23, 2021



Dear Sister Isabel,

Dati akong domestic helper sa abroad. May kapansanan ang asawa ko dahil napilay ang isa niyang paa at may apat kaming anak. Nandito ako ngayon sa Pilipinas dahil pinauwi ako ng employer ko bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Hirap na hirap kami ngayon ng pamilya ko kung paano mairaraos ang buhay kaya naisip kong mag-abroad ulit, pero ayaw na akong payagan ng asawa ko. Lumalaki na kasi ang mga bata at naghahanap ng kalinga at pagmamahal ng isang ina. Kaya lang, gutom talaga ang aabutin namin kapag hindi ako bumalik sa abroad. Nagkataon naman na muli akong tinawagan ng dati kong amo at nag-offer ng mas malaking suweldo, basta’t bumalik ako sa kanila.

Ano ang dapat kong gawin at sino ang susundin ko, ang asawa ko ba o ang employer ko sa abroad na nag-offer ng mas malaking suweldo? Naguguluhan ako at hindi ko na alam ang gagawin, kaya sana ay mapayuhan ninyo ako.


Nagpapasalamat,

Belinda ng Roxas City


Sa iyo, Belinda,

Makabubuting sundin mo ang asawa mo. Isa pa, huwag mong iwanan ang mga anak ninyo na lumalaki na at naghahanap ng kalinga at pagmamahal ng isang ina. Napakahalaga ng family bonding kaysa sa anumang bagay dahil hindi ito matutumbasan ng pera. Marami ang nawawasak na pamilya kapag ang ama o ina ay nagtrabaho sa abroad. Nar’yang nagkaroon ng kabit ang isa sa kanila na mas mahal pa sa tunay na asawa. Ano ang nangyari? Wasak na pamilya ang resulta at ang mga anak ay nasira rin ang kinabukasan.


May mas malala pa, inabuso ng sariling ama ang anak habang ang asawa niya ay nasa abroad. Kalimitan pa, nawawalan ng pagmamahal ang mga anak sa ina o ama na nasa malayo para bigyan sila ng magandang buhay. Matabang, walang tunay na pagmamahal o pag-aalala ang mararanasan mo kapag pinili mong lumayo muli upang magtrabaho sa abroad.


Aanhin mo ang pera, kayamanan o kasaganaan kung salat ka naman sa tunay na pagmamahal? Hindi mo naman masisisi ang mga anak mo kung hindi mo maipadama ang pagmamahal ng isang ina na hinahanap nila. Wala kasing pagkakataon na magkasama kayo nang matagal dahil bakasyon lang ang nangyayari tuwing uuwi ka sa Pilipinas. Huwag mo nang hayaang maranasan mo ‘yun dahil luluha ka ng bato ‘pag nangyari ‘yun at ikaw pa ang sisisihin ng mga anak mo dahil iniwan mo sila. Kahit ano’ng paliwanag ay hindi nila tatanggapin dahil malabo pa ang pang-unawa nila ngayon. Mararanasan mo na ni kape ay hindi ka man lang maipagtimpla, wala man lang pag-aalala kung may dinaramdam ka o anuman. Walang-wala talaga dahil kani-kanya silang pinagkakaabalahan.


Pagtiyagaan mo na lang dito sa Pilipinas, tutal may asawa ka pa naman. ‘Yun nga lang, may kapansanan siya, pero hindi hadlang upang mabuhay kayo nang maayos at payapa. Ang mag-asawang nagdadamayan sa hirap at ginhawa ay pinagpapala. Maging masipag lang kayo at madiskarte, tiyak na makakaraos kayo at mapagtatapos ninyo ang inyong mga anak.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page