ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 20 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Irish na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan kong namamasyal ako sa isang magandang hardin na maraming bulaklak na iba’t iba ang mga kulay. Palakad-lakad ako at sa paglalakad ko, may nakita akong ahas na kulay green, tapos natakot ako at tumakbo pero bumalik ulit ako dahil naiisip ko kung bakit kulay green ang ahas, eh, ang alam ko brown ang kulay nu’n.
Tinitigan ko ‘yung ahas, tapos kumikislap ang balat niya at maamo ang kanyang mga mata na green din. Gumagalaw-galaw lang siya at mabait naman. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Irish
Sa iyo, Irish,
Akala ng marami, ang ahas ay simbolo ng tukso. May iba naman na naniniwalang ang ahas ay isang traydor na tao. May mga naniniwala rin na ang ahas ay simbolo ng paggaling sa sakit na dinadanas.
Lahat ng ito ay mga kahulugan ng ahas, pero may isang medyo kakaiba na hindi kadalasang naipakikita at ito ay kapag ang ahas ay kulay green, ito ay ahas na tagapagbantay ng hidden treasures.
Pero ang hidden treasure na iniuugnay sa ahas na ito ay hindi ang tradisyunal na kayamanang nakabaon sa lupa kundi ang tagong pagyaman sa pamamagitan ng pagnenegosyo dahil ang green ay kulay ng pera o salapi.
Kaya, ang payo ng iyong panaginip ay magnegosyo ka dahil may tagong galing at husay ka sa pagnenegosyo. Gawin mo, dahil ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments