top of page
Search
BULGAR

Bentahan ng pekeng lisensiya, dagdag-problema!

ni Ryan Sison - @Boses | June 18, 2021



Sa gitna ng pandemya, talagang hindi maawat ang mga kawatan at buhay na buhay pa rin ang pinagkakakitaan kung saan kabilang dito ang bentahan ng pekeng driver’s license.


Kaugnay nito, huli sa entrapment operation ang dalawang nagbebenta ng pekeng lisensiya. Nasabat sa operasyon ang ilang piraso ng pekeng lisensiya, na napag-alamang ibinebenta ng P5, 000 ang bawat isa at online ang transaksiyon.


Giit ng isang suspek, reseller lang siya at nasa P1, 500 hanggang P2, 000 lang ang tinutubo nito.


Ayon sa mga awtoridad, lumapit ang Land Transportation Office (LTO) sa PNP-Anti Cybercrime Group para tulungan itong habulin ang mga grupong sangkot sa talamak na bentahan ng pekeng lisensiya.


Bagama’t matagal nang isyu ang bentahan ng pekeng lisensiya, nakadidismaya dahil hanggang ngayon ay buhay pa rin ang ganitong gawain. Ang masaklap pa, mataas ang demand kahit may pandemya.


Pero kung tutuusin, walang bentahan ng pekeng lisensiya kung walang bumibili.


Sa totoo lang, napakaraming masamang dulot ng pagbili at paggamit ng pekeng lisensiya.


Halimbawa nito ang pagdami ng mga “kamote drivers” o ‘yung mga inutil sa batas-trapiko at madalas nagiging sanhi ng aksidente o away sa kalsada.


Samantala, panawagan sa mga kinauukulan, ‘wag lang ang mga namemeke ang ating habulin. ‘Yung iba riyan, alam naman nilang peke ang dokumento, pero sige pa rin para lang masabing may lisensiya.


Bagama’t malaking hamon ang paghagilap at paghuli sa mga kawatan, pag-aralan din natin kung bakit namamayagpag ang ganitong mga gawain. Giit ng ilan nating kababayan, posibleng ang dahilan ng pagbili o paggamit ng pekeng lisensiya ay ang mahal na presyo ng tunay na lisensiya.


Malinaw na paglabag ang pamemeke ng anumang dokumento, kaya pakiusap sa mga awtoridad, bilis-bilisan ang pagtugon sa isyung ito. ‘Wag nating hayaang dumami pa ang problema na dala ng gawaing ito bago tayo umaksiyon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page