top of page
Search
BULGAR

Benepisyong matatanggap ng naiwan ng miyembro ng SSS

@Buti na lang may SSS | November 01, 2020


Dear SSS,

Namatay ang tatay ko noong Hulyo 2020. Sa pagkakaalam ko ay nakapaghulog siya sa SSS. May makukuha bang benepisyo mula sa SSS kaming mga naiwan niya? Ano’ng benepisyo ito? – Carol

Sagot

Mabuting araw Carol! Napapanahon ang katanungan tungkol sa benepisyong matatanggap ng namatay na miyembro. Dalawang benepisyo ang maaaring makuha ng mga naulila ng miyembro mula sa SSS. Ito ay ang funeral at death benefits.

Funeral Benefit

Ang benepisyo sa pagpapalibing o funeral benefit ay ibinabayad ng SSS sa sinumang gumastos sa pagpapalibing ng namayapang miyembro o pensiyunado. Maaaring makatanggap ang claimant ng benepisyo na nagkakahalaga mula P20, 000 hanggang P40, 000. Ang halaga ng benepisyo ay nakabatay sa average monthly salary credit ng miyembro at ang credited years of service o haba ng paghuhulog niya sa SSS.

Kinakailangan din na nakapaghulog ng kahit kontribusyon ang namatay na SSS member upang maging kuwalipikado sa nasabing benepisyo.


Paalala na dapat nakapangalan sa claimant ang mga dokumento sa pagpapalibing tulad ng resibo sa funeral service at iba pa.

Kamakailan, ipinatupad ng SSS ang online application para sa funeral claim. Ito ay available na ngayon sa mga claimant na SSS member din at mayroong My.SSS account. Para sa mga claimant na hindi miyembro ng SSS, maaari nilang ihulog ang kanilang aplikasyon sa mga drop box na matatagpuan sa mga sangay ng SSS.

Death Benefit

Bukod sa funeral benefit, ang mga pangunahing benepisaryo ng namatay na miyembro ay maaari ring makakuha ng death benefit. Ang benepisyo sa pagkamatay ay ang halagang ibinabayad bilang buwanang pensiyon o lump sum amount sa mga legal na benepisaryo ng namatay na miyembro. Ito ay may apat na kategorya: ang primary beneficiaries tulad ng asawa at mga menor-de-edad na anak; secondary beneficiaries kung saan ang binabayaran ng SSS ay ang mga magulang ng binata o dalagang miyembro namatay; designated beneficiaries o ang mga itinakdang benepisaryo tulad ng kapatid, anak ng namayapang miyembro at ang legal heirs o tagapagmana ng namayapang miyembro na karaniwan ay kanyang “blood relatives.”


Kung nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagkamatay ng miyembro, ang kanyang primary beneficiaries o legal na benepisaryo ay makakakuha ng buwanang pensyon. Kung namatay naman ay pensyonado, ang 100% ng Basic Monthly Pensyon o BMP ay isasalin sa kaniyang ligal na asawa at kasama ang dependent’s pensyon na 10% ng BMP o P250 (alinman ang mas mataas) para sa bawat menor de edad na anak.

Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 36 buwan ang naihulog ng miyembro. Lump sum benefit din ang benepisyong ibinibigay kung walang primary beneficiaries o legal na asawa o menor-de-edad na anak ang miyembro.

Sa kaso mo, maaari kayong makatanggap ng funeral at death benefits hangga’t natutugunan ninyo ang mga kondisyon tungkol sa mga benepisyong ito.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page