@Buti na lang may SSS | June 18, 2023
Dear SSS,
Magandang araw po! Noong nakaraang buwan ay nagtanggalan sa pinapasukan kong kumpanya at kasama ako sa nawalan ng trabaho. Mayroon ba akong matatanggap na benepisyo mula sa SSS? Salamat. — Leilani
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Leilani!
Oo, may matatanggap kayong unemployment benefit mula sa SSS kung kayo ay nakapaghulog ng 36 na kontribusyon at 12 rito ay nasa loob ng nakaraang 18 buwan, at dapat involuntary ang pagkatanggal n'yo sa trabaho.
Ang Social Security System (SSS) ay mayroong tinatawag na Unemployment Insurance o Involuntary Separation Benefit na mas kilala sa Unemployment Benefit Program. Ito ang bagong benepisyo na ibinibigay ng SSS sa mga miyembro nito simula noong March 6, 2019 nang maging epektibo ang Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Sa ilalim nito ang mga kwalipikadong miyembro tulad ng mga covered employees o ang mga miyembro ng SSS na mayroong employer, kabilang ang mga Kasambahay at Overseas Filipino Workers (OFWs), ay makakatanggap ng cash benefit allowance sakaling sila ay inboluntaryong mawalan o matanggal sa trabaho.
Ano nga ba ang inboluntaryong nawalan ng trabaho? Kumpara sa mga ordinaryong resignasyon sa trabaho, ang dahilan ng pagkakatanggal ng isang miyembro sa trabaho ay hindi nila kagustuhan at may mas malalim na kadahilanan na hindi kontrolado ng empleyado.
Bilang kasagutan sa iyong tanong, una, ating alamin ang qualifying conditions ng programa.
Kinakailangan na ang miyembro ay mayroong 36 monthly contributions, kung saan ang 12 ay nabayaraan sa loob ng 18-month period bago ang buwan ng inboluntaryong separasyon sa trabaho.
Halimbawa, ang buwan ng iyong involuntary separation sa trabaho sa Mayo 2023.
Upang mag-qualify sa unemployment benefit dapat ay mayroon kang 12 buwang hulog mula Nobyembre 2021 hanggang Abril 2023.
Para malaman ng ating mga miyembro gayundin ikaw, ang benepisyong ito ay katumbas ng 50 percent ng iyong average monthly salary credit (AMSC) na ibinibigay para sa maximum ng two (2) months. Ang AMSC ay alinman sa mas mataas sa dalawang komputasyon:
Resulta ito kapag dinivide ang kabuuang halaga ng 60 monthly salary credits ng miyembro bago ang semester ng contingency sa 60; o
Resulta kapag dinivide ang lahat ng monthly salary credits bago ang semester ng contingency sa bilang nito.
Halimbawa ang AMSC ng miyembro ay P16,000. Ang kanyang unemployment benefit ay: P16,000 x 50% = P8,000 x 2 (para sa dalawang buwan) = P16,000 (kabuuang halaga na matatanggap na benepisyo sa SSS)
Ito rin ay one-time payment kaya matatanggap na ng miyembro ang benepisyo para sa dalawang buwan.
Ikalawa, ang edad niya ay hindi dapat humigit sa 60 sa panahon na mangyari ito, pero kung siya naman ay underground o surface mineworker, hindi dapat ito humigit sa 50, at 55 naman kung siya ay isang racehorse jockey.
Ikatlo, kailangan na ang dahilan ng pagkatanggal niya sa trabaho ay hindi niya kagagawan. Ilan dito ay ang authorized causes for termination of employee na nakapaloob sa Articles 298 (283) at 299 (284) ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines, as amended, na kinabibilangan ng installation ng labor-saving devices, closure o pagtigil ng operasyon, pagkakasakit, kung saan ang patuloy niyang pagtatrabaho ay makakasama sa kanyang kalusugan o ng kanyang mga katrabaho, at iba pa.
Kasama rin dito ang just causes na isinasaad sa Article 300 ng Labor Code of the Philippines, as amended, kung saan maaari niyang wakasan ang kanyang employment relationship nang walang abiso sa kanyang employer. Halimbawa nito ay serious insult mula sa employer o ng representative niya sa dangal o katauhan ng empleyado, hindi makatao o hindi katanggap-tanggap na pagtrato ng employer o ng representative niya, at iba pang kahalintulad na mga sitwasyon.
Kabilang pa rito ang economic downturn, natural o human-induced calamities o disasters, at iba pang kondisyon na papahintulutan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng SSS.
Samantala, hindi naman kwalipikadong makatanggap ng unemployment benefit ang miyembro kung ang dahilan ng pagkatanggal sa trabaho ay dahil sa just causes na isinasaad sa Article 297 (282) ng Labor Code of the Philippines, as amended, gaya ng serious misconduct, sinasadyang hindi pagsunod sa mga makatarungang utos, gross at habitual na pagpapabaya sa mga tungkulin, at iba pa.
Ang prescriptive filing period ng unemployment benefit ay isang taon mula sa petsa ng involuntary separation. Ngunit dahil mayroong pandemya sa kasalukuyan, ito ay pansamantala pang suspendido alinsunod sa SSS-DOLE Joint Memorandum Circular No. 001 na may petsang 22 Disyembre 2021.
Kumpara sa mga naunang benepisyong ibinibigay ng SSS, ang unemployment benefit ay maaari lamang i-claim ng isang beses sa loob ng 3 taon.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang principal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o 5 taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments