top of page
Search
BULGAR

Benepisyo sa pagkamatay ng miyembro ng SSS

@Buti na lang may SSS | October 30, 2022


Dear SSS,


Magandang araw SSS! Nais kong itanong ang death benefit claim para sa tatay ko. Namatay siya noong Hulyo 23, 2022. Makukuha at maililipat ba sa nanay ko ang pensyon ng aking Tatay? Salamat po. - Paloma

Sagot

Mabuting araw sa iyo, Paloma!

Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat gugunitain natin ang Undas o ang All Saints' Day at Araw ng mga Kaluluwa o ang All Souls Day ngayong Nobyembre 1-2, 2022. Kaya mahalagang matalakay natin ang tungkol sa benepisyo sa pagkamatay o death benefit na ibinibigay ng SSS sa mga naulila ng namayapang miyembro.


Ang benepisyo sa pagkamatay ay ang halagang ibinabayad bilang buwanang pensyon o lump sum amount sa mga legal na benepisyaryo ng namatay na miyembro. Samantala, ang order o pagkakasunud-sunod na kategorya sa pagkilala sa mga benepisaryo ng SSS ay ang:


  1. primary beneficiaries, tulad ng asawa at mga menor-de-edad na anak;

  2. secondary beneficiaries, kung saan ang binabayaran ng SSS ay ang mga magulang ng binata o dalagang miyembro namatay;

  3. designated beneficiaries o ang mga itinakdang benepisaryo, tulad ng kapatid, anak ng namayapang miyembro na itinalaga ng miyembro sa kanyang SS Form E-1 o E-4; at

  4. legal heirs o tagapagmana ng namayapang miyembro na karaniwan ay kanyang "blood relative” ayon sa Civil Code of the Philippines.


Samantala, kung nakapaghulog ang miyembro ng 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng kanyang pagkamatay, ang kanyang primary beneficiaries o legal na benepisaryo ay makakakuha ng buwanang pensyon. Kung namatay naman ay pensyonado, ang 100% ng basic monthly pensyon niya ay isasalin sa kanyang legal na asawa at dependent’s pension naman sa mga menor-de-edad na anak.


Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 36 buwan ang naihulog ng miyembro bago ang semestre ng kanyang pagkamatay. Lump sum benefit din ang benepisyong ibinibigay kung walang primary beneficiaries o legal na asawa o menor-de-edad na anak ang miyembro.


Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security of 2018, ang may karapatan sa batas na makatanggap ng death benefit ng miyembro ay tanging ang mga legal na benepisaryo ng SSS tulad ng ating nabanggit kanina.


Kung ang namatay na miyembro ay pensyonado, ililipat ang pensyon nito sa kanyang legal na asawa na katumbas ng 100 porsyento na tinatanggap ng namayapang miyembro noong siya ay nagpepensyon sa ilalim ng SSS Retirement Benefit Program. Kung may anak naman siya na wala pang 21 taong gulang, makatatanggap ang kanyang anak ng dependents’ pension. Ito ay katumbas ng P250 o 10% ng basic monthly pension, alinman ang mas mataas. Samantala, maaari itong ipagkaloob sa limang menor-de-edad na anak, mula sa pinakabata, ngunit walang kaukulang pagpapalit o substitution. Matitigil lamang ang benepisyong ito kapag umabot na ang bata sa kanyang ika-21 taong gulang, nakapag-asawa, nakapagtrabaho o kaya ay namatay.


Kung sakali namang wala nang legal na asawa at wala nang menor-de-edad sa inyong magkakapatid, Paloma, maaari kayong makatanggap ng nalalabing balanse ng inyong tatay na nakapaloob sa five-year guaranteed period kung hindi pa nakakalagpas ng limang taon ang pagtanggap ng pensyon ng miyembro. Sa ilalim ng five-year guaranteed period, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay namatay bago pa umabot sa limang taon ng kanyang pagtanggap ng pensyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs na babayaran naman sa pamamagitan ng lump sum benefit.


***


Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.


***


Binuksan ng SSS noong Agosto 15, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Abra at Mountain Province. Sa Abra, sakop ng programa ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantala, sa Mountain Province naman, kasama ang mga bayan ng Bauko at Besao.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Nobyembre 14, 2022.


Binuksan din ng SSS noong Oktubre 7, 2022 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Super Typhoon Karding.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong-pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa lalawigan ng Nueva Ecija at sa mga bayan ng Dingalan sa Aurora, Macabebe sa Pampanga at San Miguel sa Bulacan.


Ang CAP ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa naturang programa hanggang Enero 6, 2023.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

1 comment

Recent Posts

See All

1 Comment


Geraldine Casintahan
Geraldine Casintahan
Feb 13, 2024

MItanong ko lang po.nmatay un live in partner ko. may isa po kaming anak na babae.. Cya nman po ang nkalagay ng binipisyo ng sss ng papa nya..pero wala po kami nakuha ni piso...4 years old palang namatay un live in partners ko o ama ng anak ko..ngayon 13 years old na yong bata. Dko po kc alam ang sss number ng live in partner ko...ayaw kc ibigay ng kanyang ina ang sss number ng kanyang anak ung burial un ina nya ang kumuha kahit para naman lang sa pag aaral ng anak ko wala kahit piso...maraming salamat po...good blessed po.....

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page