ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 28, 2025

Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa aking pagreretiro sa aking trabaho. Labing-walong taon kasi akong empleyado ng gobyerno bago ako umabot sa edad na puwede na magretiro at 10 taon naman ako sa pribadong kumpanya bago ako lumipat noon sa gobyerno. Noong nasa pribadong kumpanya ako, miyembro ako ng Social Security System (SSS) at kalaunan ay naging miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), noong lumipat ako ng trabaho sa gobyerno. Napag-alaman ko ang “Limited Portability Law” at layunin nito na pagsamahin ang mga taon ng serbisyo ng isang empleyado para sa benepisyong makukuha. Saklaw rin ba nito ang aking sitwasyon? Maraming salamat sa inyong sagot.
-- Juniver
Dear Juniver,
Ang Republic Act (R.A.) No. 7699 o mas kilala bilang “Limited Portability Law” ay pinagtibay upang bigyan ng pagkakataon ang mga mula sa pribadong sektor na lumipat sa serbisyo ng gobyerno o kaya ay mula sa sektor ng gobyerno patungo sa pribadong sektor, na pagsamahin ang kanilang mga taon ng serbisyo at mga kontribusyon sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) upang matugunan ang kinakailangang bilang ng mga taon ng serbisyo at mabuo ang karapatan sa mga benepisyo sa ilalim ng naaangkop na batas. Ayon sa Seksyon 3 ng R.A. No. 7699:
“Sec. 3. Provisions of any general or special law or rules and regulations to the contrary notwithstanding, a covered worker who transfers employment from one sector to another or is employed in both sectors shall have his credible (should be ‘creditable’) services or contributions in both Systems credited to his service or contribution record in each of the Systems and shall be totalized for purposes of old-age, disability, survivorship and other benefits in case the covered member does not qualify for such benefits in either or both Systems without totalization: Provided, however, That overlapping periods of membership shall be credited only once for purposes of totalization.”
Ang kahulugan ng “totalization” ay nakalagay sa Seksyon 2(e) ng R.A. No. 7699:
“(e) Totalization shall refer to the process of adding up the periods of creditable services or contributions under each of the Systems, for purposes of eligibility and computation of benefits.”
Ang “Limited Portability Law” ay isang batas na nagpapahintulot sa mga manggagawa na maikredito sa kanyang serbisyo o kontribusyon ang kanyang mga hulog sa SSS at GSIS. Subalit, tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan ng batas, ito ay may mga limitasyon. Hindi lahat ng benepisyo o kondisyon ng kontrata ng manggagawa ay maaaring mailipat sa ibang sektor. Sa halip, nakatuon ang batas na ito sa mga benepisyong may kinalaman sa katandaan (old-age), kapansanan (disability), survivorship, at iba pang mga pangunahing benepisyong maaaring maisakatuparan kahit na magpalit ang isang empleyado ng sektor ng trabaho.
Nakatulong ang nasabing batas sa mga manggagawa na kung walang “totalization scheme” ay hindi magiging kuwalipikado para sa benepisyo sa ilalim ng SSS o GSIS. Kung ang bilang ng taon ng serbisyo ng isang empleyado ay hindi umabot upang maging kuwalipikado para makakuha ng anumang benepisyo sa ilalim ng SSS o GSIS, maaaring gamitin sa kanya ang “totalization” alinsunod sa R.A. No. 7699.
Nakalahad sa Seksyon 3, Rule V ng Rules and Regulations Implementing R.A. No. 7699 ang mga pagkakataon sa kung saan maaaring magamit ang “totalization”:
“Section 3. Totalization shall apply in the following instances:
a. If a worker is not qualified for any benefits from both Systems;
b. If a worker in the public sector is not qualified for any benefits in the GSIS; or
c. If a worker in the private sector is not qualified for any benefits from the SSS.
For the purpose of computation of benefits, totalization shall apply in all cases so that the contributions made by the worker-member in both Systems shall provide maximum benefits which otherwise will not be available. In no case shall the contribution be lost or forfeited.”
Kaugnay nito, may kasong napagdesisyunan ang ating Korte Suprema na nakasasaklaw rin sa iyong katanungan. Ayon sa Gamogamo vs. PNOC Shipping and Transport Corp., G.R. No. 141707, May 7, 2002, na isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Hilario Davide Jr.:
“Obviously, totalization of service credits is only resorted to when the retiree does not qualify for benefits in either or both of the Systems. Here, petitioner is qualified to receive benefits granted by the Government Security Insurance System (GSIS), if such right has not yet been exercised. x x x
In any case, petitioner’s fourteen years of service with the DOH may not remain uncompensated because it may be recognized by the GSIS pursuant to the aforequoted Section 12, as may be determined by the GSIS. Since petitioner may be entitled to some benefits from the GSIS, he cannot avail of the benefits under R.A. No. 7699.”
Kaya naman sa iyong sitwasyon, kung ikaw ay kuwalipikado na para makatanggap ng pensyon mula sa GSIS, hindi na maaari pang gamitin ang “totalization” sa ilalim ng R.A. No. 7699 sa iyong pagreretiro dahil malinaw ang batas na ito ay maaari lamang gamitin kung ang empleyado ay hindi magiging kuwalipikado para sa benepisyo sa ilalim ng SSS o GSIS. Dahil dito, hindi na rin kailangan pa pagsamahin ang 10 taong serbisyo mo sa pribadong kumpanya at 18 taong serbisyo mo sa gobyerno para sa karagdagan pang benepisyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments