ni Grace Poe - @Poesible | April 19, 2021
Minsan, nakalulungkot nang magbukas ng social media account. Halos bawat araw, may kaibigan o kakilala tayong nagpapalit ng profile picture para maging itim o kaya ay kandila, simbolo na sila ay namatayan. Marami sa kanila ay dahil sa COVID-19. Ang masakit, may mga binawian ng buhay nang hindi man lamang nakatanggap ng atensiyong-medikal dahil punuan ang ating mga ospital. Isa itong pagkakataong mahirap man o mayaman, parehong walang malugaran dahil punuan pa rin ang mga ospital.
Ang nasa harapan ng laban natin sa pandemyang ito ay ang healthcare workers. Sila ang pagod na pagod at nakasalang sa panganib araw-araw. Ang malungkot, ilan sa kanila ay tinatamaan na rin ng COVID-19. Sa kabila nito, patuloy silang naglilingkod para gamutin ang mga nagkakasakit.
Bilang insentibo, naglaan ang pamahalaan ng mga benepisyo para sa ating healthcare workers bilang pagkilala sa kanilang malaking ambag sa ating bansa ngayong panahon ng pandemya. Ang problema, umaaray ang marami sa kanila dahil hindi nila nakukuha ang nararapat nilang matanggap.
Inaalagaan tayo ng healthcare workers natin, kaya nararapat din nating alagaan sila. Ibigay ang nakatakdang risk pay, pati na ang allowances para sa pagkain, akomodasyon at transportasyon, nang walang delay. Sa ganitong paraan man lang, maipakita natin ang pagpapahalaga natin sa kanilang serbisyo sa ating mga kababayan.
◘◘◘
Mga bes, mag-ingat sa mga scam sa panahong ito. Nakalulungkot na sa kabila ng paghihirap na kinahaharap ng bawat isa, marami pa ring nanlalamang sa kapwa sa pamamagitan ng panloloko sa text o online.
Tinawag natin ang atensiyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa online bank fraud na bumiktima sa maraming kababayan natin. Higit kailanman, mahalaga ang bawat piso sa panahong ito. Bukod sa mga hindi awtorisadong pagbabawas ng balanse sa kanilang account, marami rin ang nakaranas nailipat ang kanilang pondo papunta sa accounts ng scammers. Seryosong bagay ito na dapat pagtuunan ng pansin para hindi masira ang kumpiyansa ng mamamayan sa sistema ng pagbabangko sa ating bansa.
Isang paalaala natin sa ating mga kababayan na nakikipag-transaksiyon online: siguruhing totoong tao ang inyong kausap at lehitimo ang ibinibigay sa inyong pagkakakilanlan. May business permit ba sila? May ID na maipapakita? I-check ang kanilang profile, may mga katunayan na ba ng matagumpay na transaksiyon? Ilan ito sa mga pag-iingat na maaaring gawin para maiwasang ma-scam.
Maraming tao na ang nawalan ng trabaho. Hindi dapat mawala pa ang kanilang kaunting naitabi. Sa lahat ng naging biktima ng online banking fraud at scams, i-report ito sa BSP sa pamamagitan ng kanilang website para magawan ng kaukulang aksiyon.
Mag-ingat tayo palagi, mga bes.
Comments