top of page
Search
BULGAR

Benefits ng pagiging SSS member

@Buti na lang may SSS | May 1, 2022


Dear SSS,

Magandang araw po! Ako po ay isang construction worker dito sa Taguig City. Nais kong itanong kung bakit mahalaga ang Social Security System sa aming mga manggagawa? Maaari bang i-withdraw ang pagiging miyembro sa SSS? Salamat po.


—Zandro



SAGOT:

Mabuting araw sa iyo, Zandro!

Maligayang Araw ng Paggawa! Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat ipinagdiriwang natin ngayon ang Labor Day bilang pagkilala sa kontribusyon ng ating mga manggagawa sa ating bansa. Ito rin ang dahilan kung bakit itinatag ang Social Security System (SSS) upang pangasiwaan ang social security protection ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Kaya magandang pagkakataon ito upang ating talakayin ang kahalagahan ng pagiging isang miyembro ng SSS.


Para sa iyong kaalaman, ang SSS ay itinatag noong Setyembre 1, 1957 sa bisa ng Republic Act No. 1161 o ang Social Security Act of 1954. Nilalayon ng batas na bigyan ng proteksyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor maging mga self-employed professional na sinimulang sinaklaw noong 1980.

Sa kasalukuyan ay may pitong programa na ipinatutupad ang SSS tulad ng sickness, maternity, disability, unemployment, retirement, death at funeral benefits kabilang ang mga loan privileges na ibinibigay sa mga miyembro nito sa oras ng kanilang pangangailangan. Kinakailangan lamang na nakatugon ka sa mga kwalipikasyon sa bawat benepisyo.


Sa kasalukuyan, ang contribution rate ay 13% kung saan naghahati ang employer at manggagawa sa hulog sa SSS. Ang share ng employer ay 8.5% at 4.5% naman ang sa empleyado.


Ang isang miyembro ng SSS ay naghuhulog mula sa minimum na kontribusyon na P390 hanggang P3,250 na buwanang kontribusyon. Dagdag pa rito ang Employee’s Compensation Program (ECP) kung saan ang employer naman ang nagbabayad ng buo mula P10-P30 kada buwan.


Samantala, Zandro, ang halaga ng bawat hulog ay nakadepende sa iyong kinikita kada buwan.


Halimbawa, ikaw ay isang empleyado na sumasahod ng P10,000 kada buwan. Ang total SSS contributions mo kada buwan ay P1,300. Ang P850 nito ay ang share ng iyong employer at ang P450 naman ay employee share.


Hinihikayat ka namin na ipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS sapagkat ito ay isang paraan ng forced savings o sapilitang pag-iimpok bilang paghahanda sa iyong pagreretiro. Ang kontribusyon na inihuhulog mo ngayon sa SSS ay babalik sa ‘yo bilang pensyon sa katapusan ng mga produktibong taon ng inyong buhay.


May kasabihan tayo na “once a member, always a member” dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Dahil dito, hindi mo maaaring bawiin ang pagiging miyembro mo. Kahit nga nakapagbayad lamang ng isang hulog ang isang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay mananatili pa rin siyang miyembro ng SSS. Kahit pa mahabang panahon na siyang hindi nakapaghulog ay hindi mawawala ang naihulog mo at mananatiling nasa rekord ang iyong mga naihulog.


Kahit sa panahon na wala kang naihulog sa SSS, maaari ka pa ring makakuha ng mga benepisyo hangga't natutugunan mo ang lahat ng kondisyon alinman dito.


Katunayan, kahit isa lamang ang iyong naihulog na kontribusyon ay kwalipikadong tumanggap ang iyong mga benepisyaryo ng benepisyo ng pagpapalibing o funeral benefit kung may mangyari sa ‘yo.


Nagkakaloob din ang SSS ng iba’t ibang pautang sa mga miyembro at pensyonado tulad ng Salary Loan para sa mga miyembro at Pension Loan Program para naman sa mga pensyonado.


Nagbibigay din ang SSS ng iba pang tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado nito na naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng Calamity Loan Assistance Program at Direct House Repair and/or Improvement Loan para sa mga miyembro at three-month advance pension para sa mga pensyonado. Kinakailangan lamang na nakatugon ka sa mga kundisyon sa ilalim ng alinamang pautang mula sa SSS.


Malaki ang bentahe ng isang manggagawa na patuloy na naghuhulog sa SSS hanggang sa siya ay magretiro. Sa panahon ng pangangailangan o pagreretiro ay aanihin niya ang naiimpok niya sa SSS bilang pensyon o benepisyo. Ikaw rin ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog mo ngayon sa SSS sa hinaharap.


***

Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na patuloy na tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5 hanggang Mayo 14, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng Salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Samantala, patuloy ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4. Tatanggap ang SSS ng aplikasyon hanggang Mayo 21, 2022.


Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page