top of page
Search

Belen, mensahe ng pagmamahal, awa at kababaang-loob

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Dec. 13, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Labing-isang araw na lamang ay bisperas na ng Pasko, ang araw na pinakahihintay na mismong sentro ng pagdiriwang para salubungin ang Pasko kung saan ginugunita natin ang kapanganakan ng ating Panginoong Hesus.


Maraming kahulugan ang Pasko para sa ating mga kababayan, at sa buong mundo ay kilala ang ating bansa na may pinakamahabang pagsalubong sa araw na ito kasabay ng pagsigla ng ating mga pamilihan.


Kahit walang kaugnayan sa kautusan ng Simbahang Katoliko ay nagkukusa na ang marami nating kababayan na sa unang araw pa lamang ng buwan ng Setyembre ay marami na ang nagpapatugtog ng mga awitin patungkol sa Pasko.


Hindi dahil sa nilalabag natin ang aral ng simbahan ngunit pagpapakita lamang ito ng pagkasabik ng maraming Pilipino sa pagdating ng Pasko, at katunayan maging ang pamahalaan at mga negosyante ay nakikisabay sa pagbibigay ng maagang benepisyo para sa mga manggagawa.


Nitong nagdaang linggo matapos matanggap na ng ilan sa atin ang mga benepisyo tuwing panahon ng Kapaskuhan, partikular sa Metro Manila ay kitang-kita ang pagdagsa ng maraming tao sa mga shopping mall at mga restaurant.


Pero higit sa dinadayo ng ating mga kababayan ay ang mga pandekorasyon na maaaring gamitin para sa Pasko, at isa sa mga nangunguna ay ang iba’t ibang laki ng Christmas tree at magagandang disenyo ng Belen.


Ang Belen ay isa sa pinakamahalagang tampok na inilalagay sa mga simbahan ilang araw bago sumapit ang Pasko na binubuo ng isang nakahigang sanggol sa sabsaban kasama sina Maria at Jose na napapaligiran ng mga pastol at ng kanilang mga tupa.

Makikita rin ang tatlong Haring Mago at mga anghel na nagsisiawit sa itaas na bahagi ng Belen dahil sa pagsilang ng Mesiyas na nagbibigay ng napakalaking mensahe para sa kapayapaan hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong daigdig.


Sa ating bansa ay may ginaganap na Belenismo Festival sa Tarlac na taun-taong dinarayo ng marami na naging dahilan kaya sila tinawag na ‘Belen Capital of the Philippines’ dulot ito ng labis na pagbibigay importansya nila sa Belen.


Ang Belenismo, mula sa salitang Belen ay Spanish word na ang ibig sabihin ay artistikong paggawa ng Belen na hango noong taong 1223, nang si St. Francis of Assisi at ang ilang kasama ay gumawa ng kauna-unahang Belen.


Isa sa pinakaprominenteng simboliko sa pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas ay ang Belen o ang Nativity Scene na galing sa katagang Bethlehem kung saan isinilang si Hesu Kristo at mula noon ang Belen ay nagtataglay na ng mensahe ng pagmamahal, awa at kababaang-loob ng ating Panginoon.


Bukod sa parol na kasama sa Belen na sumisimbolo naman sa liwanag ng tala, na naging gabay ng tatlong Haring Mago para matunton ang kinaroroonan ng sanggol na si Hesus ay naging permanenteng disenyo na rin sa Belen.


Kabilang na nga ang mga simbahan, paaralan at mga establisimyento sa maraming lugar ay makikitaan ng Belen at may pagkakataong naglalakihan pa ang mga ito ng tulad sa sukat ng normal na tao.


Bago magtapos ang dekada 60 hanggang sa unang bahagi ng taong 2000 ay may napakalaking Belen na dinarayo ng marami nating kababayan sa COD building sa Araneta Center ngunit taong 2003 ay inilipat na ito sa Greenhills Shopping Center sa San Juan.


Noong pandemya ay pansamantalang lumamya ang Belen Festival sa Tarlac partikular noong nakaraang dalawang taon pero ngayon ay nagbabalik ang sigla ng pagandahan ng mga gawang Belen.


Hindi basta-basta ang mga lumalahok sa Belen Festival dahil halos lahat ng kumpanya, mga negosyo, pribadong indibidwal at kilalang grupo ay sumasali sa festival na ito sa Tarlac na dinarayo gaya ng sa Panagbenga Festival sa Baguio.


Isa pa sa kapansin-pansin sa mga nagdaang festival na ito ay ang kahusayan at katalinuhan ng ating mga kababayan sa paggawa ng Belen na mula sa iba’t ibang klase ng materyales na hindi mo aakalain. May mga gumagamit lamang ng sako ng bigas, may pinatuyong damo, sawali, kawayan ngunit kapag nalagyan na ng magagandang ilaw ay hindi mo mapipigilang mamangha sa sobrang gaganda.


Hindi lang mga Pilipino ang pinaghahandaan ang paggawa ng Belen dahil ngayon ay itinatampok din ito sa maraming bahagi ng mundo tulad sa gitna ng St. Peter’s Square sa  Vatican, mayroon din sa Metropolitan Museum of Art sa New York City at Carnegie Museum of Arts sa Pittsburgh.


Maging ang mga siyudad sa Australia, Canada, Germany, Italy, Poland at United Kingdom ay may kani-kanyang naglalakihang Belen at ang Nativity Scene sa Bethlehem mismo kung saan nagsimula ang lahat, sa Orthodox Church of the Nativity na siya ring plaza ng naturang lugar.


Ngunit, higit sa kagandahang dala ng Belen ay ang tunay na diwa nito bilang paggunita sa kapanganakan ng ating Panginoong Hesus na simbulo ng pagbibigayan at pagpapatawad sa bawat isa bago sumapit ang araw ng Pasko.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page