ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 19, 2024
Dear Sister Isabel,
Ang problemang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa akin. Hindi ako makuntento sa iisang boyfriend, kumbaga may pagka-playgirl ako. May dyowa ako sa iba’t ibang lugar. Mayroon dito sa ‘Pinas, India at United Kingdom.
Hanggang sa dumating sa puntong gusto na akong pakasalan ng dyowa kong Pinoy. Siyempre, hindi ko tinanggihan ang proposal niya.
Hinahanda na namin ang lahat maging ang petsa ng aming kasal ay ayos na rin, pero kinakabahan ako na baka hindi matuloy ang kasal namin kapag natuklasan niyang may boyfriend din ako sa India at U.K.
Nagkataon pang gusto rin akong pakasalan ng dalawang ito. Handa umano silang pumunta rito sa Pilipinas para maayos ang lahat.
Ano ang gagawin ko, Sister Isabel? Gulung-gulo na ang isip ko. Nawa’y mapayuhan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Josephine ng Pampanga
Sa iyo, Josephine,
Kadalasan, lalaki ang pinakamaraming dyowa. Pero sa case mo, kababae mong tao, playgirl ka? Tapos ngayon natataranta ka, at hindi mo alam ang iyong gagawin? Lalo na ngayon nalaman mong seryoso at handa ka rin pala nilang pakasalan.
Kung sino ang tinitibok ng puso mo, siya ang pakasalan mo. Kung mahal mo talaga ‘yung Pinoy mong fiancé huwag ka na mag-isip pa. Pakasalan mo na siya habang ‘yung 2 mo namang dyowa sa ibang bansa, iwasan mo na. Kung maaari i-block mo na sila tutal nasa ibang bansa naman sila para hindi ka na nila makontak.
Huwag na huwag mo na paglalaruan ang kanilang damdamin. Sagrado at banal ang pag-ibig at hindi laruan. May karma sa mga taong mapaglaro. Minamalas ang mga taong pinaglalaruan ang damdamin ng kanyang karelasyon. Ang karma ay continuous hanggang sa kaapu-apuhan. Ganyan ang sinasapit ng mga taong mapaglaro sa pag-ibig.
Kaya bago pa mahuli ang lahat, kung gusto mong lumagay sa tahimik, magpakatino ka.
Isa lang ang dapat mong mahalin, huwag kang gumaya sa aso't pusa na iba’t iba ang katalik. Hayop sila at hindi tao. Sana’y matauhan ka na sa sinabi ko.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments