top of page
Search
BULGAR

Bebot na wa’ work at dyowa, dapat baguhin ang pirma para umunlad

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 13, 2024



 KATANUNGAN

  1. Nagtataka ako sa aking sarili kung bakit lagi akong nabibigo sa buhay, lalo na pagdating sa pag-ibig at career. Napapansin ko ring tila maramot sa akin ang kapalaran dahil nagka-boyfriend na ako noon tapos naghiwalay din kami. Mula noon, parang may sumpa dahil hindi na ulit ako nagka-boyfriend at kahit nagkatrabaho ako, maliit ang suweldo at kulang pa sa pamasahe at pagkain, kaya nag-awol din ako.

  2. Ngayon, wala akong boyfriend at trabaho, kaya bored na bored ako sa bahay at palagi pa akong sinasabihan ng nanay ko na maghanap na umano ako ng trabaho. Nang minsan akong nag-apply, hindi rin ako natanggap at hindi ko naman alam ang dahilan kung bakit ayaw nila sa akin.

  3. Maestro, ano ba ang dapat kong gawin at kailan ba “sisikat ang araw” sa aking kapalaran? Sa pagkakaalam ko, ako ay Taong Uno at sabi n’yo noon, mapalad ang mga taong isinilang sa impluwensya ng Sun.

 

KASAGUTAN

  1. Noong unang araw mo sa mundo o noong iniluwal ka ng nanay mo sa eksaktong petsang August 13, 1998, hindi ba’t tuwang-tuwa ang mga magulang mo? Alalahanin mong isa kang magandang sanggol na nakatapos ng pag-aaral at naka-gradweyt ng college. Hindi ba’t noong tinanggap mo ang iyong diploma ay tuwang-tuwa ulit ang mga magulang mo at pati ikaw?

  2. Ang mga aktuwal na tala na binanggit ay larawan lamang na hindi madamot ang kapalaran – dahil ikaw mismo at ang iyong mga accomplishment ay buhay na sukli at handog sa mga magulang mo ng kapalaran. Kaya kung hindi ka makakatagpo ng magandang trabaho at masayang pakikipagrelasyon, lumalabas na ikaw mismo ang nanloloko o nagpapahina sa magagandang kapalarang nasa iyo na sa kasalukuyan.

  3. Nar’yan ka, buhay, malakas, maganda at nakatapos ng pag-aaral, wala ka namang sakit o kapansanan, kaya gamitin mo ang nasabing mga talento upang ika’y lumigaya at magtagumpay.

  4. Ang birth date mo kasing 13 ay magulo at minsan ay sobrang layo sa katotohanan ng mga iniisip mo. Kaya sa simula palang ng pagtatangka ay nabibigo ka na agad, na madali namang kinumpirma ng very sloping Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na mayaman ka sa imahinasyon at ideya, pero kulang ka sa pagkilos at praktikal na pagpapasya, kaya sa tuwing may gagawin ka, mas madalas na nabibigo ka kaysa sa nagtatagumpay.

  5. Subalit kung magbabasa ka ng mga positive thinking na libro o mga librong may temang pagkukumbinsi sa mga readers na siya ay magaling at may malaking potensyal, kapag binasa mo nang binasa ang mga ganu’ng aklat, kasabay ng bahagyang inobasyon sa iyong lagda, na sobrang dami at malalaki ang bilog sa itaas na bahagi sa partikular ng letrang “A” at “t”, alisin mo ang nasabing bilog, sa halip simpleng “A”, habang ang “t” ay lagyan ng mahabang krokes sa tuktok. Kapag nagawa mo ‘yan, makikita mo na unti-unti nang magbabago ang iyong kapalaran, kusa kang magiging praktikal, tatalas ang iyong isip na kumilos imbes na mangarap, at mag-isip ng mga simple at nasa reyalidad na diskarte. Sa ganyang paraan, walang duda na magkakaroon ka na ng regular na trabaho at kasabay nito, isang lalaking kayumanggi ang kulay ng balat ang biglang susulpot, liligawan ka niya hanggang sa tuluyan mo siyang maging boyfriend.

 

DAPAT GAWIN

Ang nasabing positibong pagtaya sa itaas, ayon sa iyong mga datos, Alexa, at ayon din sa magandang Fate Line na tinatawag ding Career Line (F-F arrow b.), maganda at maayos ding Marriage Line 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ay magsisimulang mangyari at maganap sa taong kasalukuyan 2024, sa buwan ng Marso sa edad mong 25 pataas – magkakaroon ka na ng regular na trabaho sa isang kumpanyang may kaugnayan sa communication, habang sa nasabing kumpanya roon mo na rin makikilala ang isang lalaking isinilang naman sa zodiac sign na Sagittarius na siya nang magiging boyfriend mo hanggang sa tuluyan mong makasama sa pagbuo ng isang maunlad at maligayang pamilya habambuhay.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page