ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | September 11, 2023
KATANUNGAN
Magsi-siyam na taon na rin ang nakakalipas mula noong pumanaw ang mister ko, nabundol siya ng kotse habang siya ay nagmomotorsiklo. Nagawang aregluhin ang kaso at ‘yung nakuha kong pera ang ginamit kong puhunan sa itinayo kong tindahan sa palengke.
Naging maayos naman ang buhay namin ng mga anak ko. Sa ngayon, ‘yung panganay ko ay nakapagtapos na ng kolehiyo at may trabaho na habang ang bunso ko naman ay malapit na ring makatapos ng kolehiyo.
Ang isasangguni ko sa iyo Maestro, ay tungkol sa aking lovelife, may nanliligaw ngayon sa akin na binata, gusto ko siya pero natatakot ako na baka kung kailan ako nagkakaedad at may mayroon na ring naipundar ay malasin pa ako sa ikalawa kong pag-aasawa.
Puwede na ba akong mag-asawang muli at sa ikalawang pag-aasawa kong ito, susuwertehin na kaya ako?
KASAGUTAN
Ayon sa ikalawang nabiyak na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, makakapag-asawa ka. Ngunit, isa hanggang dalawang taon lang magiging maligaya ang inyong pagsasama, at makalipas ang tatlo hanggang apat na taon, hindi rin ito magiging successful, at magkakahiwalay din kayo ng lalaking mapapangasawa mo.
Ang pag-aanalisang mas mabuti pang ‘wag ka na lang muli pang mag-asawa dahil wala ka namang talagang suwerte sa pag-ibig at pakikipagrelasyon na kinumpirma ng magulo at may malaking bilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) na parang nabiyak na hindi mo maintindihan sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay malinaw na tanda na kung maligaya ka ngayon sa piling ng iyong mga anak at nalilibang ka naman sa iyong negosyo, tulad ng nasabi na, ituring mo na ang iyong sarili at italaga mo na ang iyong buhay sa paglilingkod at pag-aaruga sa iyong mga anak at sa mga magiging apo mo. Pagsikapan mo pa na mapaunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa yumaman ka - na siyang pinapagawa sa iyo ng iyong kapalaran (H-H arrow d.), kung saan, sa pag-aaruga sa iyong mga anak at magiging apo, tiyak ang magaganap, mas makakatagpo ka pa ng ligaya at kapanatagan sa iyong isipan.
Pero, siyempre dahil babae ka rin naman, puwede ka pa ring ma-inlove, pero hanggang romantic feeling lang, hindi mo dapat seryosohin o gawing asawa.
MGA DAPAT GAWIN
Habang ayon sa iyong mga datos Zen, kung namatay ang una mong asawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) tiyak ang magaganap, sa ikalawa mong pag-aasawa, muli kang luluha at mag-iisa, dahil sa hindi n’yo pagkakaintindihan na sa bandang huli ay hahantong din sa hiwalayan (2-M arrow b.).
Okey lang na umibig at magmahal Zen, pero ‘wag mong ituring na asawa ang anumang relasyong darating sa iyo. Sa halip, tulad ng isang magandang paru-paro na dumapo sa isang bulaklak, magiging maligaya ka rin naman sa fling na relasyon, ‘yun bang hindi pangmatagalan.
Comments