ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 1, 2024
KATANUNGAN
Matandang dalaga na ako, at magpo-49 na ako sa darating na ika-5 ng Nobyembre. Tapos ko nang pag-aralin ang aking mga pamangkin, at nag-focus din ako noon sa aking trabaho. Kaya naman nakalimutan ko rin ang sarili ko. I mean, hindi ko natutukan ang pag-ibig at pakikipagrelasyon noong mga panahong ‘yun.
May boyfriend ako, half-Chinese siya at may pagkaseloso, kaya naman madalas din kaming magtalo dahil sa attitude niya. Ang nangyayari tuloy, para kaming aso’t pusa, pero hindi pa naman kami naghihiwalay dahil sa tuwing humuhupa ang sama ng loob namin sa isa’t isa, nagkakabati rin naman agad kami.
Maestro, siya na ba ang lalaking makakasama ko habambuhay? Iniisip ko kasi na kung tuluyan kaming magkakahiwalay, baka wala nang ibang lalaki na dumating sa buhay ko.
Ano sa palagay n’yo, makakapag-asawa pa kaya ako o siya na talaga ang itinakda na makakasama ko habambuhay? October 26, 1970 ang birthday niya at mas matanda siya sa akin nang apat na taon.
KASAGUTAN
Sa panahong may edad na ang indibidwal, masasabing mahirap maubusan ng lalaki at kung minsan nga, nauubusan talaga ng lalaki ang babaeng pihikan sa pagpili ng mapapangasawa.
Kaya pansinin at bigyang halaga, na sadyang tugma ang zodiac sign n’yong pareho kayong Scorpio, gayundin ang birth date mong 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5) sa birth date na 26 0 8 (ang 26 ay 2+6=8) ng boyfriend mo.
Kung saan, ang birth date mong 5 ay tugma sa birth date niyang 8. Kung saan, sa pagnenegosyo kayo kikita at tiyak na yayaman.
Ibig sabihin sa pag-aanalisang Astro-Numerology walang duda, sadyang tugma at compatible talaga kayong dalawa, at sobrang laki ng posibilidad na maaaring kayo na nga ang magkatuluyan sa malapit na hinaharap.
Kapansin-pansing din na itinakda sa iyo ng kapalaran na ang mapangasawa mo ay ang lalaking kasalukuyan mong karelasyon ngayon na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng tuwid, mahaba at makapal na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung sino ang karelasyon mo ngayon, siya na nga ang nakatakda mong mapangasawa at makasama habambuhay na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng maganda, walang bilog at malinaw na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, noon pa man ay may pangako na sa iyo ang kapalaran ng maligaya at panghabambuhay na relasyon na kahit sabihin pang madalas kayong mag-away, balewala ‘yun dahil habang tumatanda kayo, mapagpapasensiyahan n’yo rin ang isa’t isa hanggang sa tuluyan na kayong magkasundo at wala nang pamimilian pa kundi ang magmahalan kayo habambuhay.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Criselda, kasal man kayo o hindi, nakatakda na ang magaganap. Kayo na ang magsasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa susunod na taon, sa edad mong 50 pataas at 54 naman ang karelasyon mo, na siya na ngang kaisa-isang lalaking itinakda sa iyo ng kapalaran upang makasama mo habambuhay na magsisimulang mangyari at maganap sa buwan ng Hunyo sa susunod na taong 2025.
Comments