top of page
Search
BULGAR

Bebot na suwerte at yayaman sa pag-a-abroad kahit may pandemya

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 30, 2021




KATANUNGAN

1. Ako ay tindera sa palengke hanggang isang araw ay bigla akong kinontak ng kababayan at kababata ko na nagtatrabaho sa ibang bansa. Sabi niya sa akin ay nangangailangan ng domestic helper ang amo niya at inalok niya ako kung gusto kong mag-abroad. Sinabi niya pa sa akin na ayusin ko na ang mga papeles ko at siya ang bahala sa gastos dahil pahihiramin daw muna niya ako at saka ko na bayaran ang mga nagastos kapag nasa abroad na ako.

2. Sa madaling salita, tutulungan niya raw akong makapag-abroad, pero dahil may pandemic ngayon, iniisip ko na baka sa halip na gumanda ang kapalaran ko sa ibang bansa ay lalo pang pumangit. Kaya sobrang natatakot at pinanghihinaan ako ng loob kaya naisipan ko munang kumonsulta sa inyo.

3. Ano ba ang dapat kong gawin at ano ang nakaguhit sa palad ko, may maganda ba akong Travel Line at susuwertehin ba ako sa abroad?

KASAGUTAN

1. Kapansin-pansin ang sobrang ganda, malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na may isang panahon sa iyong buhay kung kailan makakaranas ka ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa.

2. Ang pag-aanalisang makapag-a-abroad ka ay madali namang kinumpirma ng birth date mong 28 sa zodiac sign na Capricorn, kung saan ito ay tanda na matapos kang maghirap at magtiis, kumbaga sa panahon ng tag-ulan o bagyo, matapos ang mga pagsubok at unos sa iyong buhay, darating sa iyo ang isang maalwan, maganda at maligayang pamumuhay. Maaaring ito ay dulot ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na tiyak namang magaganap sa malapit na hinaharap.

MGA DAPAT GAWIN

1. “Timing” ang isa sa pinakamahalagang sangkap ng tagumpay, sapagkat kung puro pagsisipag at pagsisikap lang ang ginagawa ng isang tao pero wala naman sa tamang panahon, ang mga pagsisikap at pagtatangkang ito ay mababalewala rin. Ang ibig sabihin ng “timing”, tulad ng mga magsasaka, pagpatak ng ulan, kailangang bungkalin ang lupa at sa susunod pang pagpatak ng ulan, kailangang magpunla at pagkatapos ng pagpupunla ay ang pagtatanim.

2. Kung hindi tataymingan ang pagdating ng panahon o oportunidad sa ating buhay, maaaring ito ay makaalpas nang hindi natin namamalayan. Samantala, kung wala naman sa tamang panahon ang ating ginagawa, wala ring mabunga at mabiyayang pag-unlad na mapapala.

3. Kaya ayon sa iyong mga datos, Eva Marie, ngayon na ang tamang timing ng pag-a-abroad kaya hindi ka dapat panghinaan ng loob at magdalawang-isip. Sapagkat ayon sa iyong mga datos, sa taon ding ito ng 2021 sa buwan ng Nobyembre o Disyembre at pinakamatagal na sa first quarter ng 2022, kahit patuloy pa ring nananalasa ang COVID-19 pandemic, walang duda na sa nasabing panahon, sa edad mong 31 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong karanasan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page