ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 4, 2024
Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang mga kababaihang nagmamaneho ng motorsiklo dahil sa mga ulat na may grupo ng mga nang-aagaw ng motor na karaniwang biktima ay mga babaeng rider.
Medyo marahas ang sistema ng agaw-motor gang kaya makabubuting mag-ingat ang mga bebot nating nagmomotorsiklo upang hindi mapahamak.
Hindi pa naman naglalabas ng datos ang PNP kung gaano na karami ang mga nabiktima ng gang na ito ngunit ang isa sa mga insidente ay naganap sa Pagbilao, Quezon noong nakaraang Sabado lamang.
Sugatan ang isang babae nang atakihin ito ng dalawang hinihinalang galamay ng agaw-motor gang at tangayin ang minamaneho niyang motorsiklo.
Ayon sa report ng Pagbilao police, nangyari ang insidente sa Sitio Tatakan sa Brgy.
Kanlurang Malicboy pasado alas-11 nang umaga habang tinatahak ng 36-anyos na biktima ang kahabaan ng Brgy. Ibabang Polo patungong Pagbilao.
Nadaanan ng biktima ang dalawang suspek habang nakaupo ang mga ito sa isang nakaparadang motorsiklo sa gilid ng kalsada.
Pagkakita sa babae, pinaandar ng mga suspek ang kanilang motor at agad na hinabol ang biktima sabay tutok ng backrider ng kanyang baril at pilit na pinahihinto ang biktima.
Dahil sa takot ay nadulas ang biktima sa kurbadang bahagi ng kalsada kaya tuluyang naagaw ng mga suspek ang motor nito. Minaneho naman ito ng backrider at tumakas patungong Lucena City.
Walang takot ang mga salarin kahit na kasagsagan ng tirik ng araw kaya makabubuti na ang mga rider ay magdoble ingat.
Sa mga bebot na rider, magandang umiwas muna sa mga lugar na hindi matao upang hindi maatake ng mga miyembro ng agaw-motor gang.
Tiyak na ilang araw lamang ay mamamayagpag na ang kasamaang ito kaya makabubuting maghanda, hindi lang ang mga kababaihan kundi ang mga lalaking menor-de-edad na nagmomotorsiklo.
Pinipili kasi ng mga kawatan ‘yung mga bibiktimahin na walang sapat na kakayahan para lumaban.
Maraming kabataang babae na sa gabi ay pagala-gala pa gamit ang kanilang motorsiklo at nagpupunta sa mga kaibigan. Sana ay maisip nilang sila ang target ng mga agaw-motor gang.
Sa kasalukuyan ay wala pang nasasakoteng miyembro ng naturang gang, kaya sakaling may nagbebenta ng mga murang motorsiklo sa inyong lugar ay agad na ipagbigay-alam sa tanggapan ng pulisya.
Kaawa-awa ang babaeng biktima, nawalan na ng motorsiklo ay isinugod pa sa pagamutan dahil sa tinamo nitong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan sanhi ng insidente.
Dapat ding iwasan ng mga babaeng rider na mag-angkas ng bata dahil mas madali silang agawan ng motor at aalalahanin pa nila ang angkas na bata.
Karaniwang istilo ng agaw-motor gang ay susundan ang biktima at pagsapit sa lugar na walang tao ay tututukan ng patalim o baril para huminto at saka aagawin ang
motorsiklo.
Wala pa namang napaulat na nasawi dahil dito, pero tiyak na hindi magtatagal malalagay na rin sa alanganin ang buhay ng mga magiging biktima.
Kaya sa mga kababayang rider ay dapat maging alerto — pakiramdaman kung may sumusunod dahil posibleng kayo na ang puntirya ng mga ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments