top of page
Search
BULGAR

Bebot na rider, sugatan sa bus

News @Balitang Probinsiya | July 8, 2024



Aklan — Isang babaeng rider ang sugatan nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang kinalululanan nitong motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Banga sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad ang biktimang 35-anyos habang hindi pa naipapabatid sa kanyang pamilyang ang kinasangkutan nitong aksidente. 


Ayon sa ulat, nawalan umano ng kontrol sa pagmamaneho ang hindi pinangalanang bus driver, nasa hustong gulang, kaya nabangga ang motorsiklong kinalululanan ng biktima.


Nabatid na sa lakas ng impact ay nagtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan ang biktima at sa ngayon ay ginagamot na siya sa ospital.

Napag-alaman na sinampahan na ng mga otoridad ng kasong reckless imprudence resulting to physical injury and damage to property ang bus driver.


 

OPISYAL NG NPA, SUMUKO


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang opisyal ng komunistang New People’s Army (NPA) ang sumuko sa pamahalaan kamakalawa sa bayan ng Don Salvador Benedicto (DSB) sa lalawigang ito.


Para sa kanyang seguridad ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad ang opisyal ng NPA.


Nabatid na isinurender din sa mga otoridad ng naturang official ang dala niyang armas at subersibong dokumento.


Ayon sa sumukong opisyal ng NPA, nais na niyang magbagong buhay kaya nagbalik-loob na siya sa gobyerno.


Patuloy pang isinasailalim sa taktikal na interogasyon ang nasabing rebelde upang matiyak na bukal sa kanyang kalooban ang pagsuko sa pamahalaan.


 


SENGLOT, NALUNOD SA ILOG


DAVAO DEL SUR -- Isang lasing na lalaki ang namatay nang malunod kamakalawa sa ilog na sakop ng Brgy. Coronon, Sta. Cruz sa lalawigang ito.

Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na pinangalanan ang biktimang residente ng naturang bayan.


Ayon sa ulat, habang naglalakad sa gilid ng Lagan River ay nawalan ng balanse ang biktima dulot ng kalasingan kaya nahulog ito sa nasabing ilog.


Tinangka ng mga residente na sumaklolo, pero lumubog sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima.


Nabatid na makalipas ang ilang oras na paghahanap ay lumutang sa ilog ang bangkay nito.


 

2 NOTORYUS NA TULAK, TIMBOG


ILOILO -- Dalawang notoryus na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Aganan, Pavia sa lalawigang ito.

Nakilala ang mga suspek na sina Jonathan Ilisan at Gene Guillem, kapwa nasa hustong gulang at parehong residente sa nabanggit na lalawigan.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang mga suspek kaya nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang dalawang pusher.


Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng 85 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.





0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page