ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 5, 2022
KATANUNGAN
May crush ako ngayon at mahal na mahal ko siya. Ang problema, may girlfriend na siya at napapansin kong masaya naman sila, gayundin, masasabi kong bagay sila. Kababata at ka-barangay ko siya, kaya magkaibigan naman kami, pero sa halip na ako ang ligawan niya, sa ibang babae natuon ang pansin niya. At dahil may hitsura ang crush kong ito, mahusay magdala ng damit at laging malinis tingnan at habang tinitingnan mo siya ay lalong gumuguwapo, marahil ay ‘yun din ang dahilan kaya nagustuhan siya ng girlfriend niya.
Sa ngayon, aaminin ko na siya pa rin ang gusto kong maging first and last boyfriend at kahit may girlfriend na siya, hindi nagbabago ang pagtingin ko sa kanya. Mahal na mahal ko pa rin siya at kung totoo lang si Sta. Claus, hihilingin ko na bago mag-Pasko ay makasama ko ang lalaking ito kahit sandali. Kaya lang, alam kong imposible na itong mangyari dahil pag-aari na siya ng iba.
Sa inyong palagay, posible pa bang maging boyfriend ko siya at maaari rin bang nakaguhit siya sa aking palad? Para kasing ayaw kong makipagrelasyon kahit marami akong manliligaw kung hindi lang din siya ang magiging boyfriend ko.
KASAGUTAN
Sabi ni Maestro Honorio Ong, dalawa ang kaligayahan ng lover o mangingibig: Una, ang ipaalam sa kanyang iniibig na siya ay mahal niya. Pangalawa, ang malaman ng mangingibig na mahal din siya ng iniibig niya. Masiyahan ka na sa una —ang malaman niyang mahal mo siya dahil imposibleng makamit mo pa ang ikalawa dahil sabi mo nga ay may girlfriend na siya at masaya naman sila.
Kaya para maibsan ang iyong pananabik at kalungkutan, at bilang mangingibig ay lumigaya ka rin, walang masama kung ipapaalam mo sa iyong crush na mahal mo siya kahit may girlfriend na siya. Tapos, sabihin mo na rin sa kanya na ang kaligayahan niya sa piling ng kanyang girlfriend ay kaligayahan mo na rin. Sa ganyang uri ng pag-ibig na dalisay at wagas talaga, halimbawang maghiwalay sila ng girlfriend niya, posibleng sa iyo naman mabaling o matuon ang pagmamahal niya.
Kapansin-pansin ang medyo maliit na bilog sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinw na tanda na manaka-nakang frustration o kabiguan sa pag-ibig, na nagsasabi ring hindi mo makakarelasyon ang kasalukuyan mong minamahal o crush. Gayunman, pansinin mo ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda sa taong ito ng 2022, sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre at sa edad mong 23 pataas, magkaka-boyfriend ka na rin at ang lalaking ito ang iyong mapapangasawa at makakasama habambuhay. Gayundin, ang kasalukuyan mong crush na may girlfriend na ay magiging bahagi na lang ng isa sa masasaya mong alaala ng nakaraan sa lalaking minsang tinangi at minahal mo.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa yong mga datos, Alaiza, sa taong kasalukuyan, tulad ng nasabi na, magkaka-boyfriend ka, ngunit hindi ang kasalukuyan mong crush. Sa halip, isang lalaking kakilala mo na rin sa kasalukuyan na nagtataglay ng zodiac sign na Libra.
Siya na rin ang iyong mapapangasawa sa taong 2024, sa edad mong 25, at ang nasabing pag-aasawa ay may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).
Comments