ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 8, 2022
KATANUNGAN
Maestro, tatlo ang nakikita kong Marriage Line sa aking mga palad, ibig sabihin ba nito ay tatlong beses akong makakapag-asawa? Dalawa na ang nagiging asawa ko, ‘yung una ay nakulong at namatay sa kulungan, habang ‘yung kinakasama ko ngayon ay nakilala ko sa aking trabaho. Pero ngayon, mukhang lumalabo na ang aming relasyon dahil pamilyadong tao siya.
Kung halimbawa na makikipaghiwalay ako sa lalaking ito, makakapag-asawa pa ba ako ulit at sa ikatlong pag-aasawa, magiging maligaya na ba ako?
KASAGUTAN
Tama ang nakita mo na tatlong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M, arrow a., 2-M arrow b. at 3-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Gayundin, tama ang interpretasyon mo na tatlong beses kang makakapag-aasawa o huwag na nating sabihing “asawa” dahil ang depenisyon mo nito ay medyo magulo pa. Dahil sa panahon ngayon, ang nagli-live-in o nagsasama nang hindi kasal ay tinatawag pa ring “mag-asawa”, habang ‘yung magkasintahan na halos araw-araw magkasama at may nangyayari na sa kanila ay tinatawag na rin nilang “mag-asawa” at kasal na lang ang kulang.
Para sa mas kumbinyenteng usapan, imbes na asawa, sabihin na lang natin na tatlong beses kang magkakaroon ng lalaking makakasama nang medyo matagal, meaningful at may kurot at anghang sa puso na mararanasan.
Pansinin na ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, bagama’t mahaba ay unti-unting yumukayok hanggang sa kusang nahulog sa gilid na bahagi ng palad (arrow a.). Ito ay tanda na ang una mong asawa ay posibleng bawiin ni Lord sa maagang panahon, ngunit dahil mahaba ang nabanggit na Marriage Line (arrow a.), posibleng magkaroon ka ng mga anak sa kanya matapos kang mabalo. Ngunit matapos ang mahaba at masaya n’yong pagsasama, mawawala rin siya at ‘yun ang nangyari – nabalo ka. ‘Yan ang ibig sabihin ng unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Pansinin mo rin naman na ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.), bagama’t okey ang pagkakaguhit, ito ay medyo maikli at unti-unting nabiyak o nahati sa gitna (arrow b.). Ang tawag naman dito ay “open marriage” kung saan tulad ng nararanasan mo sa kasalukuyan, may asawa ka nga, pero may pamilya naman siya, kaya minsan ay umuuwi siya sa iyo at minsan naman ay sa orihinal niyang pamilya.
Sa ganyang pangyayari, kapag wala naman sa iyong problema, gayundin sa orihinal niyang asawa, sapagkat masasabing kapwa n’yo tanggap ang ka-immoralan o sitwasyong namamagitan sa inyong tatlo. Samakatuwid, hindi rin naging maganda ang ikalawang pag-aasawa na kasalukuyan mong dinaranas.
Subalit pansinin mo pang muli na ito namang ikatlong pag-aasawa, kung saan ang nasabing Marriage Line (Drawing A. at B. 3-M arrow c.) ay sadyang naging tuwid, makapal at maganda na (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na sa ikatlong pag-asawa, tulad ng iyong inaasahan, ito ay magiging matagumpay at magiging masaya ka na sa bubuuin n’yong pamilya, na kinumpirma rin ng birth date mong 12 o 3 (1+2=3). Sa ikatlong pangyayari, sitwasyon o anumang ikatlong kaganapan sa iyong buhay, tulad ng nasabi na, susuwertehin at papalarin ka na.
MGA DAPAT GAWIN
Tama ang iniisip mong makipaghiwalay sa kasalukuyan mong kinakasama na may legal na asawa, sapagkat sa bandang huli, kahit naman hindi ‘yun ang desisyon mo, ganundin ang kusang mangyayari.
Ayon sa iyong mga datos, Annalyn, sa kalagitnaang bahaging ito ng iyong buhay, matapos ang dalawang masasalimuot na pag-aasawang naranasan na puno ng tiisin at pagpapakasakit, gagantihan ka rin ng tadhana ng magandang kapalaran sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 39 pataas dahil muli kang makakapag-asawa ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra. Ang ikatlo at kahuli-hulihang pag-aasawang ito ay itatala nang maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagsasama (Drawing A. at B. 3-M arrow c.).
Comments