ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 22, 2023
KATANUNGAN
Mag-iisang taon na kaming hiwalay ng mister ko. Maestro, magkakabalikan pa kaya kami? Kung sakaling hindi na kami magkabalikan, may lalaki pa kayang darating sa buhay ko?
Nakita ko kasi sa guhit ng aking palad ang ikalawang guhit ng Marriage Line. Sa pagkakaintindi ko ay may chance pa akong makapag-asawa. Kung sakaling oo, kailan ito magaganap?
KASAGUTAN
Tama ka, Annalyn, may namataan ngang ikalawa at mas malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) matapos mabiyak at tuluyang mawasak ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda, kung nabigo ka sa unang pag-aasawa at nauwi ito sa hiwalayan. Umasa kang sa ikalawang pag-aasawa, tiyak na ang magaganap – magiging maligaya at panghabambuhay na ito, na kinumpirma ng pumangit na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa una hanggang gitnang bahagi, ngunit sa gitna hanggang dulong bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow d.), ang nasabing guhit ng pag-ibig o emosyon sa kaliwa at kanang palad ay gumanda rin na nagbabadya o nagpapahiwatig ng isang panghabambuhay at maligayang pag-aasawa.
Kung saan, nangangahulugan lamang na sa pagtuntong mo sa edad na 41 pataas, kung pangit man ang napasok mong pag-aasawa, tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, magiging matagumpay at panghabambuhay na ito.
MGA DAPAT GAWIN
Tunay ngang sa aktuwal na karanasan hindi lahat ng pag-aasawa ay humahantong sa isang maligaya at panghabambuhay na pagsasama, dahil may mga pagkakataon sa buhay ng mag-asawa na hindi naiiwasang mambabae ang lalaki at kung minsan naman ‘yung mismong ilaw ng tahanan ang naliligaw ng landas.
Ngunit, hindi ibig sabihin nito ay matatapos na ang buhay o tapos na ang kapalaran sa pag-aasawa. Sapagkat, maaaring sa susunod na pagliko ng kasaysayan ng buhay, maaaring sa ikalawa o sa ikatlong pakikipagrelasyon ay makasama mo na ang isang nilalang na itinakda para sa iyo.
Habang ayon sa iyong mga datos, Annalyn, ang nasabing senaryo o pangyayaring tinuran sa itaas, tulad ng nabanggit na ay tiyak namang mangyayari at matutupad na sa susunod na taong 2024 sa buwan ng Oktubre sa edad mong 41 pataas, isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa, hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.
Comments