ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | July 25, 2023
KATANUNGAN
Naghiwalay kami ng boyfriend ko noong nakaraang buwan, dahil bukod sa akin ay may iba pa pala siyang girlfriend at inamin niya lang sa akin nu'ng nabisto ko na sila.
Mas ikinagulat ko ang sinabi niya, mas nauna pa raw sa akin 'yung girlfriend niya na ‘yon. Ibig sabihin, matagal niya na pala akong niloloko. Kaya galit na galit ako at nakipaghiwalay agad ako sa kanya.
Ang problema mula ng mawala siya, parang hindi ko kayang mag-isa. Hindi ko kaya na wala na siya, nasanay ako na lagi ko siyang kasama. Kaya ngayon balak kong makipagbalikan muli sa kanya kahit na dalawa pa kaming babae sa buhay niya, bahala na.
Tama ba ang iniisip ko na ang ipaglaban ang pag-ibig ko? Kaysa naman lagi akong ganito - umiiyak, malungkot at nanghihinayang kung bakit ako pumayag na mapunta sa iba ang boyfriend ko.
KASAGUTAN
'Wag ka naman tanga at masyadong desperada, Aryan. Dalawa pala kayong babae sa buhay ng ex-boyfriend mo at balak mo pang makipagbalikan sa kanya?
Bakit siya na lang ba ang natitirang lalaki sa mundo? Hindi naman, 'di ba? Oo, marami panglalaki at pag-ibig na darating sa iyo na mas ka-compatible mo, mas tapat at mas magpapaligaya sa iyo.
Samantala, mas mainam pang kalimutan mo na ang iyong ilusyon na makipagbalikan sa boyfriend mong two-timer, dahil kung babalikan mo siya, mas lalo ka lang mahihirapan at magdurusa. Ito ang nais sabihin ng nabiyak at nagulong gitnang bahagi ng iyong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, kung pagtitiisan mo ang boyfriend mong may ibang girlfriend, lalo lang masisira ang buhay pag-ibig mo, dahil sa bandang huli kapag nagpasya na siyang magpakasal at mag-asawa, ang pinakamalungkot na senaryo na dadagan sa iyo, hindi ikaw ang pipiliin niya upang kanyang mapangasawa.
Kaya tulad ng nasabi na, kung may natitira ka pangdangal at respeto sa iyong sarili, mas mabuti pang ngayon pa lang ay pagtiisan at hayaan mo nang mawala sa buhay mo, ang kumag at manlolokong boyfriend mo. Nangyari dahil kapag hinayaan mo siyang mawala, sa ganyang paraan ka lamang makakalaya at makakahanap ng bagong pag-ibig na magbibigay sa iyo ng isang masaya at panghabambuhay na ligaya, hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.
MGA DAPAT GAWIN
Kaya nga ayon sa iyong mga datos Aryan, okey lang na tuluyang mawala sa buhay mo ang babaerong boyfriend mo. Kung tutuusin wala naman siyang kuwentang lalaki at manloloko pa.
Habang ayon sa iyong mga datos, matapos na mawala ang babaerong ex-boyfriend mo, tiyak ang magaganap sa taon ding kasalukuyan sa buwan ng Setyembre o kaya’y Oktubre, bago sumapit ang panahon ng kapaskuhan, muli kang magkaka-boyfriend sa katauhan ng isang lalaking Libra na makakasama mo sa isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 2-M arrow b).
Commenti